MANILA, Philippines - Inihatid na sa huling hantungan ang itinuturing na master rapper, TV host, photographer na si Francis Magalona kahapon sa Loyola Memorial Park sa Marikina City matapos i-cremate, madaling araw noong March 11 na sinundan ng misa sa Christ The King Church.
Inilagay sa isang metal na kahon sa glass chamber ang kanyang mga abo.
Naging mahigpit ang seguridad sa Loyola at walang nakalapit na fans.
Binigyan din siya ng military honor ng Philippine Army. Miyembro si Francis ng Reserved Officers Training Course (ROTC) unit ng Armed Forces of the Philippines.
Nagpakawala ng maraming puting balloon at maraming paru-paro matapos tumula ang dalawang anak ni Francis na sina Arkin at Clara.
Karamihan sa nakipaglibing ay nakaputi at dinagsa ng maraming kaibigan sa showbiz.
Bago naganap ang cremation ay nagkaroon ng necrological mass gabi ng Martes kung saan nag-share ang mga kaibigan ni Francis.
Si Michael V. ang naging abala sa nasabing necrological service.
Humabol naman sa huling gabi ng lamay sina Sarah Geronimo, Richard Gomez at Lucy Torres-Gomez, Aga Muhlach at Charlene Gonzalez-Muhlach, Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Kiko Pangilinan, Vice Mayor Teri Onor, Janno Gibbs, Judy Ann Santos, Ryan Agoncillo, Rica Peralejo, Ms. Rosa Rosal, Ms. Susan Roces, Grace Poe, Ely Buendia, Boots Anson, Roa, Richard and Raymond Gutierrez at ang buong pamilya ng Eat Bulaga.
“Nagpapasalamat kami ng mga anak ko sa lahat ng mga taong nakiramay, nakipagpuyatan at nakiiyak at nakingiti sa amin through those many days and nights. Hindi namin malilimutan ito. Kiko is happy because naging maayos ang lahat. Just like the way he wants it to be.
“Kiko would like us to continue his work as an artist and as a lover of our country. We will not fail him sa mga naging trabaho niya. Magtutulung-tulong kaming lahat because this is what he wants,” pasasalamat ng asawang si Pia.
Samantala, naudlot ang posibilidad na nominasyon ni Kiko bilang National Artist.
Sinabi ni National Commission on Culture and Arts (NCCA) Executive Director Cecile Guidote Alvarez na sarado na ang nominasyon para sa susunod na set ng National Artist awardees.
“Ginagawa tuwing ikatlong taon ang nominasyon para sa National Artist. Sa taong ito, nakapasok na lahat ang nominasyon. Magsisimula na nga ang botohan sa Abril,” sabi ni Alvarez sa isang panayam.
Isinasaad sa panuntunan ng NCCA na hindi na tatanggapin ang mga nominasyong dumating pagkatapos ng taning na araw na pagsusumite nito o deadline.
Sinabi ni Alvarez na kailangan munang hintayin ang susunod na round ng nomination para maisama sa listahan si Kiko.