MANILA, Philippines - Tinatayang may 11 milyong Overseas Filipino Workers (OFWs) sa buong mundo. Pero hindi lahat ng kanilang saloobin, napapansin o naririnig.
Ngayong Marso 13, ihahatid sa inyo ng GMA 7’s News and Public Affairs ang isang programang magbibigay-halaga sa mga personal na kuwento, isyu at hinaing hindi lang ng mga OFWs kundi ng kanilang pamilya — ang OFW Diaries.
Sa pamamagitan ng video diary, ang multi-awarded journalist at TOYM awardee na si Kara David ang magsisilbing tagapag-ugnay sa mga OFWs.
Sa unang pagtatanghal ng programa sa Marso 13, Biyernes, tatlong kuwento ng domestic helpers ang matutunghayan. Sila ay sina Crisanta Sampang (isa nang manunulat at aspring filmmaker), Mildred Salbatierra (may pagdududa sa pagkamatay ng kanyang nakababatang kapatid na si Beth sa Kuwait), at Bea Bailan (GRO na na gustong mag-domestic helper sa Saudi para mabawi ang pinaampong anak).
Ang OFW Diaries ay kasunod ng Saksi.