Star-studded na halalan: Dingdong kakandidato rin sa Quezon City?

MANILA, Philippines - Inaasahang magiging star-studded ang halalan para sa mga lokal na posisyon sa Quezon City sa darating na May 2010 elections na siyang nagpapatunay sa taguring City of Stars sa lungsod.

Maliban sa posibleng mag­tunggaling alkalde na si Vice Mayor Herbert Bautista, at ang konsehal ng district 4 na nangangarap maging alkalde rin ng nasabing lungsod kung saan ipinagmamalaki nito na siya umano ang babasbasan ng Butihing Alkalde Mayor Feliciano “Sonny” Belmonte, maraming artista na ang nagpapakita ng interes na makakopo ng posisyon sa siyudad.

Balitang-balita na may intensiyon na kumandidato ang action star na si Dan Alvaro, na kinakausap na umano ni 2nd District Representative Annie Rosa Susano upang tumakbo bilang konsehal sa ilalim ng partido ng mambabatas.

Matunog din ang pangalan na kakandidato sa ikalawang distrito ng lungsod si Alfred Vargas na kinakausap na rin umano ni Rep. Susano upang makasama sa tiket nito.

Sinabi ni Alvaro, matagal na umanong nakikipag-ugnayan ang kampo ng kongresista kay Vargas upang mahikayat itong pumalaot sa pulitika nang mas makapaglingkod sa kanyang mga kababayan.

Ilan pa sa kilalang personalidad sa showbiz na matunog na sasabak sa halalan sa QC ay sina Arnell Ignacio, na kakandidato umanong konsehal sa unang distrito, Jigo Garcia sa ikaapat na distrito at pati si Dingdong Dantes.

May ingay din kina Digs Escober ng 3rd district na nagnanais din tumakbo ng pagkakonsehal at Ara Mina, na balitang kakandidato rin sa 2010 local elections. (Angie Dela Cruz)

Show comments