Offer ng GMA 7 kay JC walang bisa 'pag di tinanggap ni Annabelle

Isang tawag mula sa isang kamag-anak na nagtatrabaho sa Medical City ang aming tinanggap pasado alas-dose ng tanghali kahapon (Marso 6) upang ibalita sa amin na sumakabi­lang-buhay na ang master rapper na si Francis Ma­galona ng tanghali ng araw ding iyon.

Labas-masok ng Medical City si Kiko magmula nang ma-detect ang kanyang sakit na leukemia nung isang taon. Nung February 28 ay muli siyang na-admit pero lumabas ito ng March 1. Muli siyang bu­ma­lik ng pagamutan ng March 3. Habang nasa kanyang private room ay nahirapan umano itong huminga kaya nilipat siya ng ICU. Habang nasa ICU ay kinabitan na rin siya ng respirator hanggang sa ito’y bawian ng buhay nung Biyernes ng tanghali.

Bukod sa immediate family ni Kiko, ang mga malalapit na kaibigan nito na sina Ogie Alcasid, Michael V., Rosa Rosal, Toni Rose Gayda, QC vice mayor Herbert Bautista at iba pa ang agad sumugod sa pagamutan.

Si Kiko ay nagsimula sa Viva Films sa pamamagitan ng Ninja Kids. Naging bahagi rin siya ng That’s Entertainment ni Kuya Germs (Moreno) pero lumaki siya bilang singer-rapper sa bakuran ng OctoArts Films kung saan siya gu­mawa ng ilang album at pelikula. Ang awiting Mga Kababayan Ko ang signature hit ni Kiko at naging pasaporte niya sa kasikatan at taguriang Master Rapper o King of Rap.

Ilan sa mga nagawa niyang pelikula sa OctoArts ay ang Iputok Mo, Dadapa Ako na siyang maiden project ng OctoArts at pinagbidahan ni Vic Sotto at dinirek ni Tony Y. Reyes. Kasama rin siya sa mga pelikulang Mama’s Boys 1 & 2, Ano Ba `Yan 1 & 2, Estribo Gang, Totoy Buang, Batang Estribo: Siga ng Tondo, at iba pa. Sa OctoArts din nabuo ang special closeness bilang magkakaibigan nina Kiko, Ogie Alcasid at Michael V.

Bago na-diagnose ang kanyang sakit ay isa si Kiko sa mga mainstays ng long-running at top-rating noontime show na Eat Bulaga.

* * *

Isang dagliang presscon ang ipinatawag ng ever-controversial actress-talent manager na si Annabelle Rama na may kinalaman sa kanyang ongoing feud with GMA 7’s lady boss na si Wilma Galvante na ang pinagmulan ay ang isa niyang alaga na si JC de Vera na contract star ng GMA 7. Dumating si JC at ipinakilala rin ni Annabelle ang isa pa niyang bagong talent na si Carla Humphries na dati’y mina-manage ng Star Magic.

Ipinaliwanag ni Annabelle na hindi pa umano sila nagkakausap ng presidente ng GMA na si Atty. Felipe Gozon kaya hindi pa siya makagpagbigay ng pinal na kasagutan kung mananatili si JC sa bakuran ng GMA o ililipat niya ng ABS-CBN kapag dumating ang expiration date ng kontrata nito sa darating na Marso 14. Ipinaliwanag din ni Annabelle na kahit may option ang GMA to renew JC’s contract sa panibagong isang taon, hindi raw ito magkakaroon ng bisa kapag hindi nila tinanggap ng personal ang kontrata.

Klinaro rin ni Annabelle na wala siyang galit sa ibang tao ng GMA kundi kay Wilma lamang at binibigyan niya ng halaga ang pagkakaibigan nila ng pamilya ni Atty. Gozon.

Sa darating na Martes, Marso 10, muling magpapatawag ng presscon si Annabelle para doon ibalita kung mananatiling Kapuso o hindi si JC.

Sa lumalalang away ngayon sa pagitan nina Annabelle at TV exec na si Wilma, mas makabubuti marahil kung sina Atty. Gozon at Jimmy Duavit, ang dalawang top brass ng GMA 7, na ang mamagitan nang hindi lumala ang sitwasyon.

Show comments