Kung ibabase sa napanood kong mga performances noong opening day ng Ka Freddie’s, wholesome nga ang mga palabas sa kabubukas na bar and restaurant na matatagpuan sa Malate, Manila. Kaya maging ang mga bata ay pwedeng pumasok dito at manood.
“Matagal ko nang gustong magbukas dito sa Malate ng isang bar and restaurant pero napakamahal ng renta, hindi ko kakayaning mag-isa. Kaya nung makakita ako ng mga partners ko, hindi ko na pinatagal,” anang singer/entrepreneur na pawang mga babae ang apat na partners, sina Gina Kinder at mga kapatid ni Robin Padilla.
Ginanap ang Christian blessing at ribbon-cutting ng Ka Freddie’s noong Huwebes ng gabi na dinaluhan ng mga kaibigan, kasamahan at pamilya ni Ka Freddie Aguilar sa industriya ng musika. Mga panauhing banda ang nagbigay ng aliw sa mga bisita, halinhinan silang kumanta ng tigatlo. Pero sa mga regular na araw, mapapanood dito si Ka Freddie at ang mga anak niya, tulad ni Maegan, na namana ang kahusayan ng amang mag-perform.
Orihinal ang motif ng Ka Freddie’s. Sa mga walls nito ay nakasulat ang mga awitin niya (Magdalena, Anak, Estudyante Blues, Bayan Ko) at mga musical symbols. Maging sa pagkain ay makikita ang partisipasyon ni Ka Freddie. Isa sa in demand na pagkain dito, ang Ham & Roll ay sarili niyang recipe.
With the opening of Ka Freddie’s, lalong hindi na ito mapapanood sa telebisyon. “Mas gusto ko na lang mag-gig kesa kumanta sa TV. Pero okay lang kung may mag-imbita,” sabi niya.
* * *
Kung hindi pa nagkaroon ng bagong programa ang ABS-CBN, ang Showbiz News Ngayon (SNN), baka hindi pa magbabati sina Kris Aquino at Dr. Vicki Belo. Nagharap at nag-usap finally ang dalawa at ito ay esklusibong napanood sa programa nina Kris at Boy Abunda noong Huwebes din ng gabi.
Maraming mga isyu sa mga stars ang nabibigyan ng linaw sa show, tulad ng sinasabing paghihikahos ni Keanna Reeves na nagtulak sa kanya para raw balikan ang pagiging escort girl niya.
“Hindi ako naniniwala dito. Marami siyang ari-arian na pwedeng ipagbili kung gugustuhin niya. Meron din siyang apat na stalls na bawat isa ay nagneneto ng kulang sa isang libo araw-araw. Pwede na siyang mabuhay ng komportable. Meron din siyang boyfriend, mahihiya siya rito na balikan ang dating trabaho.
“Marunong dumiskarte si Keanna, ito ang maipupuri ko sa kanya. Ipinagpalit niya ang premyo niyang bahay sa Pinoy Big Brother sa isang condo unit, magdaragdag lamang siya ng tatlong milyon. Pero nahirapan siyang bayaran ito kaya kinausap niya ang may-ari na pumayag na i-waive niya ang interest at hulugan na lamang yung principal amount. Yung utang niya ay pinayagan muli ng may-ari ng condo na bayaran na lamang niya ng kanyang serbisyo, ieendorso niya ito at lalabas siya sa mga ispesyal na okasyon ng kumpanya ng may-ari.
“Keanna has learned her lessons, hindi kasi siya naging maingat nung kasikatan niya but she has been humbled by the experience. Ito ang maganda sa kanya, marunong siyang tumanggap ng kanyang pagkakamali,” pagtatanggol ni Boy sa kanyang alaga.
* * *
Nakakatawa siya kapag napapanood natin sa mga shows at nakita natin ang galing niya sa Dyosa at Maging Sino Ka Man. Pero hindi natin alam, napakarami na palang pinagdaanan sa buhay si Vice Ganda.
Ngayong gabi sa USTV Awardee at longest-running drama anthology, Maalaala Mo Kaya (MMK) mapapanood na ang life story ni Vice Ganda na gagampanan niya mismo! Dito malalaman natin ang hirap na kanyang pinagdaanan nung kabataan niya, ang mga pagsubok na sinalag at nalagpasan niya, ang mga pag-ibig, ang mga kasiyahan at kabiguan!