Kontrata ni Heart sa GMA 7 P15 million

Malungkot ako kahapon dahil namatay ang aking favorite dog na si Chika. Inatake siya sa puso bago mag-alas dose ng tanghali.

Naloka ako sa eksena dahil nakita ko pa nakikipag-away si Chika sa ibang mga aso na alaga ko, naglakad siya at biglang natumba.

Sigurado ako na walang foul play na nangyari dahil na-witness ko ang buong pangyayari.

Depressed na depressed ako dahil 15 years ko nang alaga si Chika. Regalo siya sa akin ni Charlene Gonzales noong 1994. Tandang-tanda ko ang taon dahil katatapos pa lang noon ng filmfest scam.

Nakita ko nang magsuka si Chika at itsurang naka­lungay­ngay ang kanyang ulo, nakatingin sa direksyon ko ang mga mata niya at parang nagda-dialogue siya na “Let me go. Let me go!”

Sa mga gustong makiramay, please omit flowers. Da­tung na lang ang ipadala ninyo dahil balak ko na magtatag ng foundation para sa memory ni Chika na pakikinabangan din ng kanyang mga kapwa aso.

* * *

Mama Salve, nabasa ko sa presscon ng PLDT myDSL noong Huwebes ang sulat ng GMA 7 management para kay Heart Evangelista kaya nalaman ko na P15M ang halaga ng kanyang kontrata. Fifteen million pesos para sa unang taon? Malaking kadatungan ’yon huh!

Bumilib ako kay Annabelle Rama dahil sa kan­yang power na makakuha ng ganoong kontrata para kay Heart.

Fifteen million pesos is fifteen million pesos. Eh mas big star si Richard Gutierrez kesa kay Heart kaya sure ako na mas mataas ang kanyang talent fee.

Sa totoo lang, isa si Annabelle sa mga pinakama­husay na talent managers ngayon sa showbiz. Gusto ko nang mag-seminar sa kanya para makapag-demand na rin ako ng mataas na tf para sa aking mga alaga!

* * *

Interesado akong malaman ang mga susunod na kabanata sa palitan ng sulat ng GMA 7 at ni Annabelle.

Nakalagay sa sulat ng lawyer ni Bisaya na hindi tumupad ang GMA 7 sa kasunduan na hanggang 3 a.m. lang puwedeng mag-taping si Heart. Madalas daw na inaabot ng 8 a.m. at 9 a.m. ang taping ni Heart kaya naniningil ngayon ng over-time pay si Annabelle.

Gusto kong malaman kung babayaran ng mga Kapuso ang OT pay na sinisingil ni Bisaya para sa kanyang alaga dahil kung kukuwentahin ang OT pay, malaking kadatungan ito.

Kapag nagbayad ng OT pay ang GMA 7, gagawa ng history si Heart sa showbiz dahil siya ang kauna-unahang artista na naningil at nakasingil ng OT pay. Imposibleng hindi siya gayahin ng ibang mga artista, taga-GMA 7 man o ABS-CBN!

* * *

May good news si Buhay Partylist Congressman Irwin Tieng para sa entertainment industry.

Masayang ibinalita ni Papa Irwin na pasado na ang House Bill 5624, ang panukala sa pagbabawas ng amusement tax.

Natupad na rin sa wakas ang pangako ni Papa Irwin. Maraming pulitiko ang nangako na tutulong sa pagbabawas ng amusement tax pero napako ang kanilang pangako. Mas inuna nila ang mga personal na interes.

Dapat ipagmalaki at suportahan si Papa Irwin ng entertainment industry dahil ipinakita niya na talagang nagtatrabaho siya sa Kongreso.

Hinihintay na lang ni Papa Irwin ang pagpirma ni President Gloria Arroyo  sa bill na isinulong niya. Siya rin ang author ng Anti-Camcording Bill (HB 4117) at Cyber-Boso Bill (HB 4315) na inumpisahan nang pag-usapan ng Committee on Justice.

Show comments