Nag-win ako kahapon ng router sa raffle draw ng PLDT.myDSL. Huwag n’yo nang itanong sa akin kung ano ang router dahil hindi ko rin alam. Nagtataka lang ako dahil pilit na hinihingi sa akin ng ibang mga reporter ang premyo na napanalunan ko.
Hindi ako nagpabola. Para hingin nila ang router, siguradong useful at mahal ito. Bakit ko ibibigay sa kanila?
* * *
Mga ‘It Girl’ ang tawag kina Rhian Ramos at Isabel Oli ng mga bossing ng PLDT.myDSL.
Sila ang mga bagong It Girl na makikita sa mga event ng PLDT.myDSL.Tungkol sa murang Internet connection ng DSL ang presscon pero tungkol kay Paolo Contis ang tanong ng mga reporter kay Isabel.
Ang tungkol naman sa paglipat ni JC De Vera sa ABS-CBN ang itinanong kay Rhian na maling tao para tanungin dahil ka-MU lang siya ni JC. Wala namang kinalaman si Rhian sa pagpapatakbo ng career ng kanyang rumored boyfriend.
* * *
Blooming si Isabel mula nang maghiwalay sila ni Paolo ha? Ganyan talaga ang mga babae na nawawalan ng boyfriend, nagpapaganda para ma-realize ng kanilang mga ex kung ano ang pinakawalan nila! Pinakawalan daw o!
Hindi pa ready si Isabel na magkaroon ng bagong dyowa. Rest muna raw ang kanyang puso.
Hindi ko napansin ang bag na dala ni Isabel dahil kung Louis Vitton ang dala niya, haharbatin ko ‘yon. Mas madaling makaka-move on si Isabel kung didispatsahin niya ang mga gamit na iniregalo sa kanya ni Paolo. Mga bagay na makakapag-paalaala sa kanya ng kanilang napurnadang love affair.
Matutulungan ko si Isabel sa paglimot sa kanyang ex-boyfriend. Ibigay niya sa akin ang mga LV at Goyard bags na iginebsung sa kanya ni Paolo.
* * *
Ibinalita sa akin ng isang PSN loyalist na dalawang Pilipino ang kasali sa So You Think You Can Dance Contest sa Australia, sina Max Francisco at Emmanuel Rodriguez.
Girl si Max pero eliminated na siya. Si Emmanuel na lang ang Pinoy na natitira. Sa totoo lang, ang Australia at hindi ang Pilipinas ang nire-represent nina Max at Emmanuel.
Sa Australia ipinanganak sina Max at Emmanuel at lumaki pero hindi puwedeng i-deny na mga Pilipino sila dahil sa kanilang mga itsura.
* * *
Pinauuwi na raw si Ramiele Malubay sa Amerika ng kanyang mga magulang. Dismayado raw ang mga magulang ni Ramiele dahil walang nangyari sa kanyang singing career dito sa Pilipinas.
The who si Ramiele? Siya ang Pilipina na naging finalist sa American Idol. Umuwi siya sa Pilipinas para subukan ang kanyang kapalaran pero mukhang babalik siya ng luhaan sa US of A.
Kasamang dumating ni Ramiele sa Pilipinas ang kanyang boyfriend na type din na mag-artista. Wala rin nangyari sa ambisyon ng boyfriend ni Ramiele dahil hindi pala outstanding ang kanyang face as in hindi siya pang-showbiz.
Actually, mas mahuhusay kumanta kesa kay Ramiele sina Jonalyn Viray, Aicelle Santos at Maricris Garcia ng La Diva.
Walang ka-effort-effort na nasapawan ng La Diva si Ramiele nang magkaroon sila ng production number sa SOP noong December 2008.
Pang-American Idol ang mga boses ng La Diva pero hindi sila makakapasa sa audition dahil hindi naman sila mga American citizen ‘noh!