Pagkatapos ng halos apat na buwang paggawa ng mga bagay na hindi makatao gaya ng pagkain ng ipis, daga, pagpapalibing ng buhay, pagpapakaladkad sa kabayo, pagbitin sa helicopter at kung anu-ano pa, apat na lamang ang natitira sa 12 kalahok sa Pinoy Fear Factor na ang tatanghaling El Ultimo Participante ay mag-uuwi ng P2 M sa katapusan ng paligsahan na magaganap sa linggong ito.
Deserving sinuman kina Manuel Chua, Jommy Teotico, Janna Dominguez at Marion dela Cruz ang manalo sapagkat pinagdaanan nilang lahat at nalampasan ang mga nabanggit na challenges.
Nakakabilib ang mga kalahok na kabataan pa (18 -27 yrs. old) dahil kung ako na isang manonood lamang ay napapapikit kundi man umaalis sa harap ng telebisyon dahil hindi makaya ng loob at sikmura ko ang mga pinaggagagawa nila, pero ang pito na humarap sa media nung Lunes ng tanghali para ipromote ang finale week ng reality search ay walang sakit at masayang binabalik-balikan ang kanilang pinagdaanan na hindi ko malaman kung bakit kailangan pang sa Argentina kunan gayung puwede naman dito na lamang sa Pilipinas.
Ni walang trauma akong nabakas sa pito na kinabibilangan ng nagbabalik sa sirkulasyon na si LJ Moreno na lubhang nag-enjoy sa ginawa niyang pagsali kung kaya hindi na siya umalis ng Argentina hanggang hindi natatapos ang paligsahan.
Si Janna, ang nag-iisang babae sa Fearless Four ay flawless, maganda at puwedeng-puwedeng ipagpatuloy ang nasimulan na niyang pag-aartista.
Ganundin sina Jommy at Manuel, at si Marion na akala ko ay karelasyon na ni Janna dahil nakita ko silang magka-holding hands sa isang showbiz event.
Itinanggi nila ito bagaman at inaming may posibilidad na magkaroon ito ng kaganapan kapag hindi na abala si Marion at ituloy ang panliligaw niya kay Janna. This also disproves talks na gay si Marion. Nangamoy ang bagay na ito habang nasa Argentina pa sila.
Bukod sa mapapanalunang dalawang milyon, pinaka-maganda ‘yung friendship na nabuo sa mga kalahok. Katunayan, sinuman ang manalo sa kanila ay ibo-blowout ang mga talunan at ibibili sila ng tig-isang pares ng sapatos.