Nakakaaliw ang unang presentation ng Ruffa & Ai, ang programang pumalit sa Boy & Kris, kahapon. Live ang unang episode. Halatang parehong excited sina Ruffa Gutierrez and AiAi delas Alas na obvious ding nanganganay pa sa kanilang bagong programa.
Pero kung rapport ang pag-uusapan, papatok sila. Kombinasyon ng isang sosyal na Inglesera at isang sobrang magaling magpatawa na walang pakialam kung ano’ng ginagawa.
Kaya ayun, sa simula pa lang nila kahapon, natanggal ang left shoe ni AiAi habang sumasayaw kaya ang ginawa niya, tinanggal na rin niya yung isa pa.
Maya-maya, yung lapel mic naman niya ang natanggal na tinulungang ikabit ni Ruffa.
Unang nag-appear na guest, si KC Concepcion.
Sunod nilang guest ay si Sarah Geronimo.
Pero bago ang appearance ni Sarah, merong instant contest na mananalo ng Magic Sing.
With confidence, sabi ba naman ni Ruffa, “Ang makakakuha ng photo ni Sarah sa ilalim ng inuupuan n’yo ay mananalo ng Magic Song.”
Kaaliw! Kinorek siya ni AiAi na Magic Sing.
Next na guest si Gabby Concepcion (na nakasayaw ni AiAi) na expert pala sa pagpapaligo ng bata.
Noong umapir nga pala si Gabby, aba, biglang nagbababahing si AiAi on air! Hindi talaga napigilan ng Comedy Queen ang paghatsing ng ilang beses.
Ang duda namin nina Uncle Eugene Asis (People’s Journal), Dondon Sermino (Abante) and Jerry Olea (Abante Tonite), na-allergy siya sa aso dahil surprise ang naging appearance ng isandosenang aso ni Sarah.
Pero hindi eh, matagal nang nakalabas ang aso bago napahatsing si AiAi on air. Si Gabby na ang kausap nila.
Duda tuloy namin, baka naman sa pabango ni Gabby? May ganun kasi eh.
But anyway, mas jologs ang programa sa mga pinaggagawa nila kaya siguradong mas magiging epektib sa audience.
Sigurado rin na mababawasan ang kasosyalan ni Ruffa sa programa, at si AiAi, siguradong patok sa audience ang mga patawa niya. Natural kung magpatawa si AiAi at ngayon lang siya mapapanood sa ganitong programa. At pareho nilang carry ang mga ganung eksena.
Si Mr. Boy Abunda nga pala ang nag-intro sa kanila na siyempre ay ilang taon ding napanood sa nasabing slot hanggang makasama si Kris Aquino at maging Boy & Kris. Ngayon, lilipat sila sa primetime slot sa bagong programa na Showbiz News Ngayon, with Kris pa rin.
* * *
Nakausap namin si Mrs. Eva Cariño, ang butihing ina nina BB Gandanghari at Robin Padilla na mas madalas na ngayon sa probinsiya, at mukhang tanggap na niya ang naging kapalaran ng kanyang anak na si Rustom Padilla.
Natatawa na lang siya ’pag tinatanong tungkol sa ‘pagkawala’ ng kanyang isang anak na lalaki pero napalitan naman ng isang babae.
At kung super proud siya sa anak na si Robin na suportado ng buong pamilya nila sa launching ng Totoy Bato, aminado naman siya na malungkot para kay Rustom. “Pero kung doon siya masaya,” pahabol ni Mrs. Cariño.
Nag-uusap naman daw sila ng anak na ngayong babae at ’pag naririnig naman niya ang boses sa telepono ay parang walang ipinagbago. Pero parang uneasy pa rin si Mrs. Cariño kaya tinawag niya ang anak na si Rema P. Ohno, executive vice president ng Hitachi Pentax at siyang sobrang close kay Rustom kahit noong bata pa sila.
Second to the eldest si Rema at ang pakiramdam niya, nasa healing stage na ang kapatid na kino-consider niyang “an artist and epitomy of art.”
Kuwento ni Rema, two and half years old lang si Rustom noon nang magbihis ito ng pambabae. Nag-make up daw sila and everything na ginagawa ng isang baby girl. Pero nadatnan sila ng kanilang father kaya grabe ang inabot na palo ng kanyang kapatid.
“Pinalo siya nang pinalo,” she recalled. At sabay tinanong si Rustom: “Bakla ka ba?”
Wala raw malice ang ginawa nila, pero nalagyan dahil sa nangyari.
Past forward: At noong panahon naging mag-asawa sila ni Carmina Villaroel, alam naman daw nilang lalaki ito at in fact, preacher pa ito ng Jehovah’s Witness.
Past forward uli, nang umamin na ang kapatid sa Pinoy Big Brother ng kanyang tunay na sexuality, hindi na nagulat si Rema dahil three years ahead, alam na nila. Nangumpisal na sa kanya ang kapatid.
“That was during the time na nasa Amerika pa siya,” sabi nito na mas kamukha ng kanyang mommy Eva.
Siya rin ang nagbigay ng pangalang BB Gandanghari sa kapatid. Sabi pa niya, walang planong magpa-sex change si BB.
Marami pang kuwento si Rema at first time niya raw magsalita.
At sa mga naninira sa kanyang kapatid, ayaw na nilang mag-react dahil kanya-kanya naman ’yan ng opinion.
Sinasabi niya ring kung may Madam Butterfly sa Japan, may BB Gandanghari sa ’Pinas.
Sa ngayon, bukod sa kabi-kabilang magazine pictorial, naghahanda na rin si BB para sa kanyang one woman/man show.
Bukod sa Mommy Eva at kapatid na si Rema, present din ang iba pang mga kapatid ni Robin sa launching ng Totoy Bato last Sunday night. Magsisimula itong mapanood sa February 23 sa GMA 7.