MANILA, Philippines - Negatibo sa drug test ang 11 teen stars ng GMA 7 na sumailalim sa pagsusuri nitong Huwebes sa Camp Crame bilang suporta sa pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.
Ito ang nabatid kahapon base sa resulta ng pagsusuri ng PNP-Crime Laboratory sa ‘urine samples’ ng mga Kapuso stars.
Kabilang sa lumitaw na malinis sa drug test sina Mark Herras, Ryza Cenon, Iwa Motto, Rainier Castillo, Mike Tan, Kevin Santos, Gino dela Peña, Victor Aliwalas, Paulo Avelino, Prince Stefan at Kaye Alipio.
Inianunsyo naman ni Interior and Local Government Secretary Ronaldo Puno na negatibo sa drug test ang naturang mga teen stars na sinabi nitong role model ng mga kabataan.
Sinabi ng Kalihim na ang 11 teen stars ay siyang unang batch ng mga artista partikular na ang mga kabataan na isasalang sa drug test.
Nauna nang sinabi ni Herras na ang pagsailalim nila sa drug test ay boluntaryo bilang suporta sa pinalakas na kampanya laban sa illegal na droga at upang patunayan sa mamamayan lalo na sa kanilang mga fans na ayaw nila sa bawal na gamot. (Joy Cantos)