Mama Salve, fully-booked ako ngayon dahil sa mga appointment na pupuntahan ko.
Maaga akong aalis ng bahay dahil may 1:00 pm appointment ako sa Camp Crame. Sasamahan ko sa drug testing ang mga artista ng GMA 7 para maging role model sila sa mga kabataan.
Hindi natatakot sa drug test sina Mark Herras, Aljur Abrenica, Iwa Moto at marami pang iba dahil hindi sila hooked sa mga prohibited drug.
Mismong si DILG Secretary Ronnie Puno ang magiging witness sa drug testing at makakasama niya si DILG Undersecretary Brian Yamsuan.
Eh maraming artista ng GMA Artist Center ang dadalaw sa Camp Crame kaya matatagalan ako doon. Hihintayin ko ang resulta ng drug test para magkaalaman na kung sino ang mga napagbibintangan na user pero hindi naman pala.
* * *
Mula sa Camp Crame, didiretso ako sa meeting ng isang pulitiko. Ipapakilala niya sa akin ang mga artista na kanyang kapartido at susuportahan sa 2010 elections.
Tatlong mga sikat na artista ang seryoso sa kanilang political plans as in ayaw nilang magpaawat. Papasok sila sa mundo ng pulitika sa darating na taon.
Heto na ang nakakalokang balita. Kakandidato rin ang tao na ka-meeting ko at iniimbitahan niya na maging running-mate ang isang kontrobersyal na aktor.
Saka ko na papangalanan ang aktor. Maghihintay muna ako ng go-signal mula sa aking ka-meeting para hindi ma-pre-empt ang kanyang political plans.
* * *
Masaya kahapon sa bakuran ng GMA Films at Regal Films dahil pinipilahan sa takilya ang When I Met U nina KC Concepcion at Richard Gutierrez.
Hoping ang mga produ na lalong pipilahan sa takilya ang pelikula habang papalapit ang Valentine’s Day.
Walang kalaban na Tagalog movie ang When I Met U. Pinanindigan na talaga ni Richard ang pagiging Valentine’s King dahil kumikita sa takilya ang kanyang mga pelikula na showing tuwing Araw ng mga Puso.
Mga hopeless romantic ang mga Pinoy. Gustong-gusto nila na manood ng mga pelikula na magpapakilig sa kanila.
* * *
Maganda ang feedback sa When I Met U at galing ito mula sa entertainment press na pinanood ang movie premiere ng pelikula.
Hindi raw sila nainip sa panonood dahil mabilis ang pacing kaya hindi ito nakakabagot.
Isang feel good movie daw ang When I Met U. Dalawa sa mga alaga ko ang cast member ng KC-Richard movie, sina Alfred Vargas at Tonton Gutierrez.
Mahaba at meaty ang role ni Alfred. Hindi siya nagmukhang dekorasyon dahil importante sa pelikula ang papel na kanyang ginampanan.
* * *
Sumali sa Bb. Pilipinas si Rich Asuncion dahil pangrap niya ang magkaroon ng beauty title.
Nag-promise si Rich na gagawin niya ang lahat para mapansin siya ng mga judge ng prestigious beauty contest sa Pilipinas.
May mga nagsasabi na early favorite si Rich pero hindi siya dapat maniwala sa mga sabi-sabi. Gawin niya ang lahat ng makakaya para maibigay sa kanya ang beauty title na pinapangarap.
Hindi muna binigyan si Rich ng mga TV guesting sa GMA 7 para makapag-concentrate siya sa activities ng Bb. Pilipinas. Matindi ang schedule ng mga kandidata ng Bb. Pilipinas kaya sa ayaw at sa gusto ni Rich, siguradong papayat siya!