Kinatigan ng Court of Appeals (CA) ang hatol ng mababang hukuman na nagpawalang-bisa sa kasal sa pagitan nina Kristine Hermosa (Kristine Orille, sa tunay na buhay) at Diether Ocampo (Diether Pascual sa tunay na buhay) na isinagawa noong 2004 sa Jaen, Nueva Ecija.
Sa siyam na pahinang desisyon na ipinonente ni Associate Justice Sesinando Villon ng CA 2nd Division, ibinasura nito ang inihaing apela ng Office of the Solicitor General (OSG) na naglalayong mabaligtad ang hatol ng Makati City RTC Branch 136 noong Marso 31, 2006 na nagdeklarang void ang kasal nina Hermosa at Ocampo.
Nabatid sa desisyon na sa simula pa lamang ay itinuturing na ‘void ab initio’ o walang bisa ang kasal nilang dalawa.
Nilinaw ng CA na nakapaghain ng sapat na ebidensiya o documentary and testimonial evidence si Hermosa na nagpapatunay na ang sinasabing kasalan sa pagitan nila ni Ocampo noong Setyembre 21, 2004 sa Jaen, Nueva Ecija, na nakasaad sa kanilang Certificate of Marriage ay isinagawa ng walang kaukulang marriage license o marriage contract.
Sinabi rin ng CA na maging ang selebrasyon ng kasal ng dalawa noong Hulyo 14, 2004 sa tahanan ni Col. Edgardo Divina at V. Luna sa Quezon City ay hindi rin balido dahil sa kawalan ng marriage license.
Kinontra naman ito ng OSG na nagsusulong sa mandato nito na proteksiyunan ang interes ng estado, panatilihin ang sanctity ng kasal para mapagtibay ang pamilya bilang basic unit ng komunidad at matukoy kung may naganap na sabwatan sa pagitan ng dalawang kampo.
Gayunman, nilinaw ng CA na ang kawalan ng pangunahing rekisito sa pagpapakasal ng dalawang indibiduwal ay mahalagang elemento para sa pagpapatibay ng pag-iisang-dibdib.
“The absence of any of the essential or formal requisites shall render the marriage void ab initio...it is a hornbook doctrine that findings of facts of trial courts are entitled to great weight on appeal and should not be disturbed except for strong and valid reasons… (or) unless the trial court has overlooked or ignored some fact or circumstance of sufficient weight or significance, which, if considered, would alter the result of the case,” paliwanag pa ng appellate court. (Ludy Bermudo)