May nagbalita sa aking super reliable at credible source na hindi totoong hiwalay na ang aktres na si Beth Tamayo sa asawa niyang si Mr. Johnny Wong. Ang totoo raw, nasa Canada lang ang mag-asawa para pansamantalang manirahan doon dahil nagkaroon ng problema sa negosyo ang asawa nito.
Mismong mga kaibigang negosyante raw ng mag-asawa ang nagkuwento ng tungkol sa biyahe nila sa Canada.
May mga naiwan umanong utang sa ilang kaibigan ang asawa ni Beth at malamang na umabot sa korte.
Almost a month ago nang lumabas ang kuwento na hiwalay na ang aktres na nag-alsa balutan sa tinitirhan nilang condominium ng asawa dahil sa hindi naipaliwanag na dahilan. Walang kinakausap na taga-showbiz si Beth kaya walang nakakaalam. Pero ang mga kaibigan nilang negosyante ngayon ang umano’y may alam kung nasaan sila.
Bukas ang pahinang ito sa anumang mensahe o paliwanag ng kampo ng mag-asawa.
* * *
Mainit ang usapan ngayon kung sino ba talaga ang tatanghaling box office queen para sa 2008 – mainit na magkalaban sina Sarah Geronimo at AiAi delas Alas.
Si Sarah para sa A Very Special Love at si AiAi para sa Ang Tanging Ina N’yong Lahat.
Parehong Star Cinema ang producer ng pelikula.
Pero ayon sa isang insider ng Guillermo Mendoza Memorial Awards, ang bentahe ni Sarah, kasama ang kita ng A Very Special Love sa buong panahon na ipinalabas ito kumpara sa festival entry ni AiAi na ang valid lang ay ‘yung kinita sa panahon ng festival.
Ayon sa source, wala pang final result pero mas malaki raw ang kinita ng A Very Special Love sa panahong naipalabas ito kesa sa dalawang linggong kita sa festival ng Ang Tanging... “Kasi mas lumakas ang pelikula ni AiAi after ng festival at hindi na ‘yun kasali,” paliwanag ng taga-Guillermo.
Anyway, kung kanino man siguro mapunta, wagi pa rin ang Star Cinema dahil parehong pelikula nila ang kumita ng limpak-limpak noong nakaraang taon.
Pero mukhang nasa Star Cinema talaga ang suwerte ni AiAi. Nang gumawa sila ng pelikula ni Robin Padilla sa Viva Films last year, hindi kumita, bagsak sa takilya. Hindi nag-click ang comedy flick.Sayang ‘yun actually. Maganda naman ang pelikula. (SALVE V. ASIS)