Pagkatapos maghakot ng patimpalak sa Golden Dove at Star Awards, sa New York Festivals naman nagpakitang-gilas ang ABS-CBN. Apat na medalya at apat na finalist certificates ang napanalunan ng istasyon, pinakamarami para sa isang istasyon dito sa Pilipinas.
Isang Gold World Medal for Best TV Special ang iginawad sa Bantay Bata 163’s 10th Anniversary Special, samantalang Silver World Medal naman ang nakuha ng investigative report ni Korina Sanchez sa substandard na glutathione brands.
Ang Bantay Bata 163’s 10th Anniversary Special ay isa sa maraming world-class na produksyong itinaguyod ng ABS-CBN Special Projects Group (SPG), sa pamumuno ni Chit Guerrero. Ang SPG din ang nasa likod ng mga engrandeng presentasyon tulad ng Miss Earth at Dolphy at 80.
Sa kabilang dako, hindi naman nagpahuli ang iba pang programang Kapamilya. Itinanghal ding Silver World Medalists ang Boy & Kris nina Boy Abunda at Kris Aquino para sa Talk/Interview category at Lastikman ni Vhong Navarro para sa Action/Adventure category.
Pinuri rin ng mga hurado ang mga programang Kung Fu Kids, Wowowee, at Rated K, na tumanggap ng finalist certificates para sa kategoryang Children’s Program, Family Program, at Magazine Format.
Ginawaran naman ng finalist certificate para sa Best News Reporter si Korina, na chief correspondent and news anchor ng ABS-CBN.
Ang New York Festivals International Television Programming and Promotion Awards ay 49 na taon nang kumikilala sa mga bukod-tanging mga likha sa pagbalita, dokyumentaryo, entertainment programming, at iba pa.
Ilang daang respetadong mga producers, director, manunulat, at iba pang media professionals ang nagsisilbing hurado dito.
Sa tagumpay na ito, mas lalong ganado ang istasyon na pag-ibayuhin pa ang paggawa ng dekalibreng programa at paglinang sa mga artista at brodkaster na magdadala ng karangalan sa bansa.