Bagama’t kapwa ayaw umaming mayro’n na silang relasyon, palaging ipinapasa ni Nikki Gil, kay Billy Crawford ang pagbibigay linaw sa isyung ito, sinabi ni Billy sa ilang press na kumausap sa kanya nung muli siyang mag-guest sa Walang Tulugan ni Kuya Germs (Moreno), sasagutin niya ito pagkatapos ng Valentine’s Day.
Sinabi rin niya na isang magandang Valentine na hindi makakalimutan ni Nikki ang inihahanda niya para rito. Pero hindi siya nagbigay ni bahagyang clue tungkol dito.
* * *
Nagbunga na ang pasensya, hard work at pagtityaga ni Lovi Poe sa kanyang career. Contrary sa mga sabi-sabi na maaalis na ang konsentrasyon niya sa kanyang trabaho dahilan sa kanyang lovelife, mas lalo siyang inspired para mapatunayan sa mga nagtitiwala sa kanya na hindi siya nagkamali ng pagpili ng mamahalin sa katauhan ni Jolo Revilla. Maganda at very smooth ang kanilang relasyon at nawala na ang takot ni Lovi na baka matulad siya sa naging unang relasyon ng batang aktor.
Okay na rin ang relasyon nilang dalawa sa ina ni Lovi, pumayag na itong mabisita ng aktor sa bahay ang kanyang anak. Mas mabuti na ito kesa magkita pa sa labas ang dalawa. Kaya naman mas masaya ngayon si Lovi, isang problema ang nawala sa kanya, madali na niyang mapaglapit ang ina at boyfriend. At kung nakakapunta na si Jolo sa kanilang bahay, mas madali na itong makikilala ng kanyang mom.
Maganda rin ang takbo ng kanyang career. Hindi siya nawawalan ng assignment sa GMA 7. Katatapos lang ng Lalola pero kasama na siya sa Ang Babaeng Hinugot sa Aking Tadyang. Maganda ang kanyang role kahit hindi pa lumalabas ang kanyang character.
“Excited ako to play a role ng isang babaeng umibig sa isang lalaking magpa-pari. Habang nagtatagal, mas nagma-mature na ang mga roles ko which I welcome dahil dito ko lang maipapakita na talagang seryoso ako sa aking career and I want to grow as an actress,” sabi niya.
Tumanggap siya ng papuri matapos mapanood sa premiere ng kanyang indie film na Walang Hanggang Paalam na pinamahalaan ng tandem nina Paolo Villanueva at Ellen Ramos na siya ring nasa likod ng award-winning film na Selda, ang nagbigay ng maraming awards kay Emilio Garcia.
Isa siyang 16-year-old girl dito na nakipagtanan sa kanyang boyfriend pero umibig sa isang lalaking napakalaki ng katandaan sa kanya. Kasama niya sa pelikula si Joem Bascon.
“Pinakamahirap na role ko ito, so far, pero sa tulong ng dalawa kong direktor, I was able to give what was required of me. I just hope I did justice to the role,” sabi ng anak ni Da King na mukhang nasa tamang landas na para ipagpatuloy ang legacy na iniwan ng kanyang ama.
* * *
Nakabuti ang paggi-guest ni AiAi delas Alas sa Sharon dahil napanood sila ng mga bossing ng Star Cinema at nakita na may chemistry sila ng Megastar kung kaya pagsasamahin sila sa isang movie na gagawin tungkol sa isang love triangle.
Mukha bang comedy? Siguro dahil si Wenn Deramas ang direktor at ang role ni AiAi ay isang other woman.
Pati si AiAi ay natawa nang makita ang reaksyon ng mga press na kumakausap sa kanya.
Tanong ng komedyante, “Bakit, wala ba akong karapatan na maging other woman, kahit man lamang sa pelikula?”
Malapit nang mapanood sa isang pang-umagang showbiz talk show si AiAi kasama si Ruffa Gutierrez. Magsisimula na sa Pebrero 16 ang Ruffa & Ai sa ABS-CBN.
Pero bago iyon, mapapanood din siya sa isang pre-Valentine show, Pebrero 13, na pinamagatang Ai Lab U! na doon mismo sa resto bar niya na Ai Sarap gaganapin. Hindi lamang magpapasaya si AiAi sa pamamagitan ng kanyang pagko-comedy, for the first time ay ipamamalas niya ang kanyang husay sa pagkalabit ng gitara. Makakasama ang banda niyang Knights Band.
Maliit lamang ang venue pero kung magagawa n’yong isiksik ang inyong mga sarili, gawin n’yo, sayang kung maubusan kayo ng tiket. Palaging unforgettable event ang mga shows ni Comedy Concert Queen.