Muntik na kaming hindi magkita ni Karylle kahapon. Kasi naman, sa ibang restaurant ako nagpunta.
May nagsabi sa akin na katabi ng Belo Medical Clinic ang venue ng presscon ni Wilson Lee Flores at ng S Magazine para kay Karylle.
So, inisip ko agad ang Fleur de Lyz dahil palaging may presscon dito. Maaga akong dumating sa restaurant at ang feeling ko, early bird ako.
Daaay, nakakain na ako at nakapagpabalot ng pagkain pero walang Karylle na dumarating. Missing din ang ibang invited reporters.
Nagduda na ako na maling lugar ang pinuntahan ko. Kung hindi ko pa tinawagan si Gorgy Rula, hindi ko malalaman na nasa ibang building ang presscon para kay Karylle. Kaloka di ba?
Hindi na tuloy ako nakakain sa Cesca Wine Cafe and Resto dahil busog na ako. Nakipagtsikahan na lang ako kay Karylle at sa ibang mga reporter na naroroon.
Sinabi ko kay Karylle na love ko siya dahil mahal ko ang madir niya. I’m sure, na-feel ni Karylle ang sincerity ko dahil walang kapalit na datung ang pagmamahal ko sa kanya. Alam din niya na ako ang publicist ni Marian Rivera pero hindi ito isyu kay Karylle. Talagang disente at edukada siya na babae.
Kung may anak ako na lalake, ang tipo ni Karylle na babae ang paliligawan ko sa kanya.
* * *
Ang buong akala ko, intimate interview kay Karylle ang imbitasyon ni Wilson. Hindi pala dahil napuno ng tao ang Cesca Wine Cafe & Restaurant.
Na-confuse nga ako kung blessing ba kahapon ng Cesca o talagang interbyu lang kay Karylle ang sinadya namin?
Bilib na bilib ako kay Wilson dahil memoryado niya ang lahat ng mga isinusulat ko dito sa PSN. Kakaiba siya ‘ha?
* * *
Inabangan ko ang pagsisimula ng May Bukas Pa noong Lunes dahil kasali sa cast ang aking alaga na si Tonton Gutierrez.
Satisfied naman ako sa role na ibinigay kay Tonton ng ABS-CBN pero nagulat ako kay Dina Bonnevie dahil sumobra ang pagiging healthy niya.
Totoo pala ang mga nababasa ko na tumaba si Dina. Walang artista na natutuwa kapag napapansin na over-weight sila. Sa kaso ni Dina, baka may health issues siya kaya hindi madali sa kanya ang magpapayat.
Hindi naman kasalanan ang maging mataba kaya hindi dapat ma-upset si Dina.
* * *
Gandang-ganda ako kay Isabel Oli nang umapir ito sa Showbiz Central noong Linggo kaya hindi ko napansin na nagpapa-cute siya, tulad ng obserbasyon ng mga tao.
I’m sure, playing safe si Isabel dahil pinanindigan niya ang pagkakaroon ng sweet image. Iniwasan din ni Isabel na huwag magtaray dahil hindi niya pinangarap na magmukhang Bitter Ocampo sa break-up nila ni Paolo Contis.
Ibinalik ni Isabel kay Paolo ang engagement ring na worth P1.2 M. Masuwerte si Paolo dahil kung ang kagaya ko ang naging girlfriend niya, never kong ibabalik ang singsing. Ipagbibili ko ang singsing para may datung ako at ito na lang ang kabayaran sa pagmamahal ko sa kanya para patas kami.
‘Yon eh kung ako ang kanyang dyowa. Ang kaso, hindi ako si Isabel!
* * *
Dalawang beses na na-postpone ang meeting ko kay Senator Manny Villar. Hindi natuloy ang aming unang meeting dahil natsugi as in na-dead ang mga itik na ipamimigay niya.
Na-postpone uli ang aming pangalawang meeting dahil ipinatawag si Papa Manny sa Malacañang Palace. Si Papa Manny na kaya ang presidentiable na susuportahan ni Ate Glo sa 2010? Ma at pa!
Basta ang alam ko, maugong ang balita na may plano rin si Makati City Mayor Jejomar Binay na kumandidatong presidente ng Pilipinas sa 2010.
Ito kaya ang dahilan kaya isinapelikula ang kanyang life story na may title na Walang Iwanan, Walang Atrasan?