GMA Network wagi ng 2 Gold Medal Award sa 2009 New York Festivals

Dalawang Gold World Medal, isang Silver at dalawang Bronze ang iginawad sa GMA Network ng prestihiyosong 2009 New York Festivals for Television Programming and Promotion.

Ang Gold World Medal Award para sa Coverage of an Ongoing Story Category ay napunta sa Corporal Abeto coverage ni Jiggy Manicad na napanood sa 24 Oras noong Agosto 13, 2008. Naidetalye rito ang madugong engkwentro ng mga rebeldeng grupong MILF at Abu Sayyaf laban sa mga marine at sa PNP Provincial Mobile Group noong nakaraang ARMM elections sa Tipo-Tipo, Basilan. Napatay sa enkwentro si Corporal Angelo Abeto matapos s’yang masabugan ng mortar sa ulo.

Mula sa Q Channel 11, ang sister station ng GMA, ang Inno Sotto: A Special Fashion Documentary ay nag-uwi ng Gold World Medal Award para sa Biography/Profiles Category. Inihayag sa dokumentaryo ang pinag­mulan ni Inno Sotto bilang couturier at kung paano niya narating ang kasalukuyan niyang estado bilang Master of Philippine Couture.

Nagkamit naman ng Silver World Medal Award para sa Best Newscast Category ang coverage sa Lanao Attacks ng 24 Oras. Dito naiulat ang paglusob ng MILF sa Kauswagan, Lanao del Norte noong Agosto 18, 2008.

Samantala, ang Pinays for Export: The Asian Sex Trafficking Trail ng Reporter’s Notebook ay nakakuha ng Bronze World Medal para sa Best Public Affairs Program Category.

Pinarangalan din ng Bronze World Medal ang Pesco Vegetarian Meal episode ng Chef To Go ng Q Channel 11 para sa Magazine Format Category.

Ilang programa rin mula sa Kapuso Network ang ginawaran ng Finalist Certificates sa iba’t ibang kategorya – Joaquin Bordado para sa Action/Adventure Category; Jumper Kids/Battered Children ng Emergency para sa Social Issues/Current Events Category; at  Bundok na Kristal ng I Witness para sa Community Portraits Category.

Apat na programa naman mula sa Q Channel 11 ang umani rin ng Finalist Certificates. Kabilang dito ang The Sweet Life para sa Magazine Format Category;  Ang Pinaka Sikat na Pinoy sa Internet episode ng Ang Pinaka para pa rin sa Magazine Format Category; ang Batasan Blast coverage ng News On Q para sa Coverage of Breaking News Category; at ang Ormoc Cult (Rape), Early Marriage and Trafficking episode ng Draw The Line.

Show comments