Ruffa ibubulgar ang lahat sa libro

Noong isang araw, habang nag-aayos kami ng mga nakatambak na mga litrato sa aming cabinet ay hindi sinasadyang makita namin ang wedding photo ng estranged (?) husband and wife Johnny Wong at Beth Tamayo na nangyari sometime five years ago. 

Engrande ang naging kasal ng mag-asawa at kasama sa mga tumayong principal sponsors sina Kuya Germs Moreno, Emelio Uy at Heidi Reyes ng Guam, USA, Mommy Carol Santos (mommy ni Judy Ann Santos), ang veteran actress na si Caridad Sanchez, ang jeweller na si Vicky Elises, Bebot Santos (may-ari ng Kolorete boutique), ang talent manager na si Angge Lee at iba pa.

Hanggang ngayon ay clueless pa rin kami sa whereabouts ni Beth. Maging sa nakaraang post-holiday party ng Royal Era Entertainment (na pag-aari ng pamilya ni Eddie Gutierrez) kung saan dumalo ang halos lahat ng mga talents na hina-handle ni Annabelle Rama ay hindi rin dumating si Beth.

Nakalimutan lang namin tanungin ang mommy ni Ruffa Gutierrez kung may contact sila ni Beth. Kami man ay napa-puzzle sa biglang pag-iwas ni Beth hindi lamang sa media kundi maging sa kanyang malalapit na kaibigan.

Hanggang ngayon ay nakabitin pa rin ang lahat kung totoo ngang hiwalay na sina Beth at Johnny at kung ano ang tunay na dahilan ng kanilang paghihi­walay. Hangga’t hindi binibigyang-linaw ni Beth o ni Johnny ang balitang ito ay mananatiling nakalutang ang iba’t ibang espekulasyon ng media.

Pero naniniwala kami, isa sa mga araw na ito ay biglang lilitaw si Beth para sa kanyang bibig na mismo magmula ang tunay na estado nila ni Johnny. Sa aspetong ito, muling nangibabaw ang sikat na awitin ni Barbra Streisand, Some Good Things Never Last.

* * *

Nag-host ng post-Christmas party ang Gutierrez family na ginanap sa Imperial Suites kamakailan lang at bongga ang mga prizes na pina-raffle ng Royal Era Entertainment na pinamumunuan ni Annabelle Rama. 

Hindi nagkaroon ng Christmas party ang Royal Era last December dahil magkasunod na naoperahan ang mag-asawang Eddie at Annabelle pero bumawi sila nitong pagpasok ng Bagong Taon.

Masayang-masaya siyempre si Annabelle dahil ha­los lahat ng kanyang talents ay may mga TV and movie assignments. Nalaman din namin sa kanya na makakasama si TJ Trinidad sa Zorro na pagbibi­dahan ni Richard

Ito bale ang first assignment ni TJ sa Kapuso network dahil mas identified siya sa Kapamilya.

* * *

Wala mang lovelife ngayon si Ruffa, hindi ito nanga­nga­hulugang hindi na siya masaya. Maraming ipinagpapasalamat si Ruffa dahil bukod sa kanyang pamilya, ang kanyang dalawang anak na sina Lorin at Venice at ang kanyang mga kaibigan, in full swing ang kanyang career. 

At home na si Ruffa sa paghu-host ng The Buzz kasama sina Boy Abunda at Kris Aquino at nagi-enjoy din siya sa kanyang role sa I Luv Betty La Fea.

Kahit super yaman ang dating asawa ni Ruffa na si Yilmaz Bektas, hindi siya umaasa rito lalo na pagdating sa suporta sa kanilang dalawang anak.

Kung matutupad ang kanyang plano, gusto niyang magsulat ng libro tungkol sa kanyang naging karanasan noong sila pa ni Yilmaz at pumayag naman daw ang kanyang dating mister. 

Pampelikula rin daw ang naging buhay nila ni Yilmaz. Isulat kaya ni Ruffa ang lahat-lahat sa kanyang libro at wala siyang itatago tulad ng ginawa ni Pilar Pilapil sa isinulat nitong libro?

* * *

Hindi ikinakaila ni Richard na espesyal ang pagka­kaibigan nila ng panganay ni Sharon Cuneta kaya natitiyak namin na sila ang magka-date sa darating na Valentine’s Day.

“What you see is what you get,” ito lamang ang simpleng sagot ni Richard sa mga nangungulit sa kanya tungkol sa tunay na lagay ng kanilang relasyon ni KC.

Malapit nang ipalabas ang second movie together nina Richard at KC na When I Met U at umaasa ang dalawa na sana’y maulit ito sa hinaharap kahit pa nasa magkabilang kampo sila — si Richard sa GMA 7 at si KC naman sa ABS-CBN.

* * *

Dumarami na rin ang mga pambato ng Kapuso sa kanilang mga male talents. Nangunguna si Richard at pumapangalawa naman si Dingdong Dantes. Nasa pangatlo at pang-apat sina Dennis Trillo at JC de Vera, Mark Herras at humahabol na rin si Mark Anthony Fernandez. Nariyan pa sina Marvin Agustin at Paolo Contis na nalilinya ngayon sa mga kontrabida roles. May Polo Ravales at Alfred Vargas pa.

Kung may sariling pool of stars ang ABS-CBN, hindi na rin nagpapahuli ang mga stars ng GMA 7. 

Nananatiling si Marian Rivera ang pangunahin sa mga babae. Kailangan lang maalagaan nang husto sina Iza Calzado, Jennylyn Mercado, Nadine Samonte, Katrina Halili at iba pa. At kailangan pa nilang mag-build-up ng mga bagong mukha.

* * *

a_amoyo@pimsi.net

Show comments