I’m back! I’m back from Hong Kong na parang hindi ko type balikan dahil ang layo-layo ng departure area.
Imagine, twenty-three minutes ang layo ng departure area mula sa immigration area? Kailangang sumakay ng train, elevator at escalator para makarating sa gate ng eroplano na pabalik sa Pilipinas.
Hindi ko pa naman feel ang maglakad ng malayo. Hindi praktikal sa akin ang mahabang lakarin. Sa totoo lang, hindi senior citizen friendly ang international airport. Mas gusto ko pa rin ang international airport ng Pilipinas, kesehodang nilalait ito ng ibang mga pasosyal.
* * *
Nasawa ako sa panonood ng news tungkol sa panunumpa ni US President Barack Obama.
Na-feel ko rin ang pagod nila ni Michelle sa pagsasayaw. Kung ako man ang nasa posisyon nila, talagang makakaramdam ako ng pagod, lalo na kung 10 inauguration ball ang kanilang pinuntahan.
Ideal couple sina Papa Barack at Michelle. In love na in love sila sa isa’t isa at kitang-kita ’yon sa kanilang mga kilos at galaw.
* * *
Hindi dapat mag-worry si Phillip Salvador dahil marami ang nakakaintindi sa kanyang sitwasyon at sa panununtok na ginawa niya sa bus driver na feeling king of the road.
May mga bus driver na abusado. Porke malaki ang mga sasakyan na minamaneho nila, parang sila na ang may-ari ng kalsada.
Halos araw-araw nating napapanood sa mga news program ang mga balita tungkol sa mga bus na nadidisgrasya dahil walang disiplina sa pagmamaneho ang mga driver.
Kung sinuntok man ni Ipe ang driver, siguradong may kasalanan ito. Hindi naman mananakit si Ipe ng walang dahilan, lalo na ngayon na masyadong malapit ang loob niya sa Diyos.
Labag sa kalooban ni Ipe ang pananakit na ginawa pero umiral ang kanyang pagiging tao. Ang importante, in-acknowledge niya ang kanyang pagkakamali na hindi ginawa ng tsuper.
* * *
Nagpainterbyu kahapon si Ipe sa radio program nina Arnell Ignacio at Susan Enriquez sa dzBB.
Knowing Ipe, ayaw na niyang palakihin ang isyu pero siya lang ang puwedeng magtanggol sa sarili.
Hurt na hurt si Ipe dahil pinagmukha raw siyang kontrabida ng ABS CBN.
Wala raw tumawag sa kanya para kunin ang side niya. Naghuhumiyaw ang report na nambugbog siya.
Ganito rin daw ang report ng ABS-CBN nang masangkot siya sa isang gulo na nangyari noon sa Plaza Lawton.
* * *
Mabentang-mabenta sa mga mahihilig sa controversy ang umbagan na kinasasangkutan ni Ipe dahil walang malaking balita ngayon sa showbiz.
Eh type na type ng mga intrigero ang mga balita na may mga action scene.
Ang ganda-ganda pa naman ng article ni Ricky Lo tungkol kay Ipe noong nakaraang linggo. The second coming ang pamagat ng article pero pagkalipas ng ilang araw, nasangkot agad si Ipe sa eskandalo.
Parang nananadya ang tadhana ‘huh!