'Hindi plastikan ang pagbabati namin ni Billy'

Kung hindi pa may mga nag-interview sa aking mga estudyante ng New Era College ay hindi ko pa mabibigyang pansin na may mga bini-build up na mga loveteams na talagang ginagastusan para sumikat. Ang siste, kapag sumikat na sila at meron nang malaking following ay binubuwag na sila at pinapareha na sa iba.

Magandang ehemplo ay ang loveteam nina Richard Gutierrez at KC Concep­cion. Ikalawang team-up pa lamang nila yung When I Met U sa GMA Films pero pagkatapos nito, magiging abala na sila sa kanilang mga individual assignment sa kani-kanilang networks. Kaya alalang-alala ang mga fans nila na baka huli na nilang makikita ang dalawa. Paano naman sila? Eh, nag-invest na rin naman sila sa dalawa ng kanilang pera, emosyon, pagmamahal at panahon. Ganun na lamang ba yun? Pagkatapos ng dalawang pelikula, kailangang humanap na naman sila ng bagong mamahalin?

* * *

 Parang hindi maganda yung reaksyon ng isang nagbabalik na writer tungkol sa naging pagbabati namin ni Billy Crawford. Naplastikan daw siya. Ewan ko lang kung sino ang tinutukoy niyang plastik. Ako ba, si Billy o kaming dalawa?

Sa aking parte, hindi iyon planado. At pakiramdam ko naman kahit si Billy ang nag-instigate ng pangyayari, totoo iyon sa puso niya. Wala yung script.

May alam bang dahilan ang nasabing writer para sabihing plastikan ang naganap? Alam ba niya ang pangyayari?

* * *

 Baka naman laitin pa natin si Judy Ann Santos sa hindi pagkakasali ng Ploning sa Oscars?

Nakita naman natin na ginawa ni Juday ang lahat para ito mailakad sa US, pero siguro malakas din ang politics sa US. At hindi naman kalakihan ang pera na nalikom niya para makasapat sa kinakailangang kampanya ng Ploning. Let us be grateful na may isang nagtangka para mailagay sa mapa ng Hollywood ang isang lokal na pelikula. Sa akin, kapuri-puri na ito.

* * *

Gumagawa na ng audition ang GMA 7 para sa magiging leading lady ni Richard Gutierrez sa Zorro. Isang bagong nilalang na naman ang mabibigyan ng pagkakataon na maging isang sikat na artista.

Sana makalikha tayo o makadiskubre ng isang sisikat at magiging asset ng industriya at hindi yung magbibigay lamang ng problema sa showbiz. Huwag sana tayong makalikha ng monster.

Show comments