Maganda ang naging epekto ng ilang negative issues kay Dyan Castillejo. Hindi niya sineryoso, at ang naging tagline kaya may lumalabas na negatibong balita sa kanya, partikular na ang ginawa niyang coverage sa huling laban ni Manny Pacquiao: Magaling kaya sinisiraan. Kabi-kabila kasi ang inabot niyang batikos sa kanyang coverage kay Pacman, pero nagbunga naman.
Alam naman kasi ng lahat na dapat ay exclusive sa GMA 7 ang coverage ni Pacman sa laban nila ni Oscar dela Hoya, pero hindi talaga nagpahuli si Dyan. Nakasingit siya hanggang eroplano.
Kaya heto, read ninyo:
Sunud-sunod at walang mintis ang mga binibitawang reports ng senior sports correspondent ng ABS-CBN na si Dyan Castillejo. Kumbaga sa boksing, naka-knockout na siya sa mga eksklusibong reports na ibinalita niya tungkol sa pambansang kamao na si Manny “Pacman” Pacquiao.
Sa tulong ng magigiting na cameraman na sina Val Cuenca at Rene Casibang, sa ABS-CBN lumabas ang unang interview kay Pacquiao pagkatapos ng laban niya kay Oscar Dela Hoya at ang unang panayam at footage kay Jinkee Pacquiao pagkatapos manganak sa pang-apat nilang anak na si Queen Elizabeth.
In fairness naman kasi kay Dyan, na pinangaralan ng Golden Dove Awards nung 2007 na Best Field Reporter, matagal na siya sa industriya at may limang taon na rin niyang kino-cover si Pacquiao kaya naman gamay na niya ang gawi ni Pacman. Malapit na rin ang grupo niya sa kampo ng boksingero.
Dagdag pa niya, atleta rin siya dati kaya alam niya kung kailan ito pupuwedeng kausapin at kung ano ang pupuwedeng tanungin. Kuwento nga ni Dyan, hindi birong i-cover si Pacman dahil sa mahigpit niyang iskedyul.
Gayunpaman, wala siyang masabi sa kabaitan ng boksingero. Katulad nung humingi siya ng interbyu para sa kanyang dokyumentaryo, hindi nag-dalawang isip si Manny at sinabing puwede itong gawin sa party ni Gov. Chavit Singson. Doon ay 35 minuto, at hindi tatlong oras gaya nang naibalita, na nagkuwento si Pacman ng kanyang buhay sa harap ng iba pang bisitang nawili sa pakikinig.
Nakapagpundar na kasi ng tiwala si Dyan sa mga nakapanayam niyang atleta tulad ni Manny kaya hindi na mahirap makakuha ng interbyu. Maging sa eroplano ay pinauunlakan ni Manny ang kakaunting tanong ni Dyan.
“Sa galing, propesyunalismo, at magandang pakikitungo ni Dyan, hindi nakapagtataka kung nakaka-iskor siya ng magandang kuwento. Kahit ang mga banyaga ngang tulad ni Erik Morales ay nakukuha niya ang loob sa pag-eespañol pa lang niya,” dagdag pa ng bossing ng ABS-CBN News gathering na si Charie Villa.
Ilan lang sina NBA MVP Kobe Bryant, golf living legend Tiger Woods, dating boxing king Floyd Mayweather Jr., bowling legend Paeng Nepomuceno, billiards champ Efren “Bata” Reyes, at UFC star Chuck Liddell sa mga bigating manlalarong kinober ni Dyan bukod kay Pacquiao.
Kung saan-saan na rin siya naipadala tulad ng Beijing Olympics, Southeast Asian Games, at iba’t ibang kampeonato sa boksing para mag-ulat sa mga news program ng ABS-CBN.
Kung may hahamon man sa kasipagan at galing ni Dyan, siguro ay ang kaniyang cute na cute na anak na si Matthew na sa murang edad ay nahumaling na rin sa sports. Sa katunayan, kasama siya palagi ni Dyan sa shoot ng Sports Unlimited.
Wika nga ng mga nakakakilala kay Dyan, sobra itong devoted sa anak. Bukod sa tatlong taong pagbe-breastfeed kay Matthew ay siya rin ang coach nito pagdating sa golf, soccer at tennis.
Kasalukuyang mapapanood si Dyan sa Sports Unlimited, tuwing Sabado ng gabi pagkatapos ng TV Patrol Sabado. Dito makikita kung bakit sa kabila ng below-the-belt na tirada sa kanya, nakapagbibigay pa rin siya ng knockout na istorya. (SVA)