Mukhang totoong may basbas na ni Martin Nievera ang relasyon nina Pops Fernandez at Jomari Yllana, babalikan ng tambalan ng dalawa ang concert scene sa isang pre-Valentine concert na magaganap sa Araneta Coliseum sa Pebrero 6 at ipo-prodyus ito ni Jomari.
Kung sabagay, mas nauna naman ang imbitasyon ng concert king kina Pops at Jomari na magbakasyon sa kanilang bahay sa Tate. Naganap ito nung bago pa lamang ang relasyon ng kanyang ex-wife sa isa sa mga Guwapings. Isang patunay lamang ito na tanggap na ni Martin na may kapalit na siya sa puso ng ina ng kanyang mga anak.
Isang inaabangang event ang concert ng dalawa dahil kauna-unahan ito pagkatapos na maghiwalay sila.
* * *
Isang naiibang presscon naman ang naganap nung Miyerkules ng gabi sa Teatrino Greenhills para sa pinakabagong teleserye ng ABS-CBN, ang Tayong Dalawa.
Bukod sa karaniwang question & answer na karaniwang nagaganap sa isang presscon, nagkaroon ng isang tribute na kung saan kinilala ang kagalingan sa pag-arte ng cast na sumusuporta sa tatlong major stars ng teleserye na sina Jake Cuenca, Kim Chiu at Gerald Anderson gaya nina Alessandra de Rossi, Cherry Pie Picache, Mylene Dizon, Jiro Manio, Coco Martin, Helen Gamboa, Gina Pareño, Anita Linda, Miguel Faustman, Agot Isidro, Baron Geisler at Spanky Manikan.
Lahat ng mga nabanggit ay tumanggap na ng parangal sa pag-arte hindi lamang dito sa bansa kundi maging sa labas nito. At ito ang kinilala ng ABS-CBN sa pamamagitan ng isang tribute na ginanap sa presscon ng Tayong Dalawa na lubhang ikinasiya ng mga award winning actors and actresses dahil ito ang nagsilbing highlight ng presscon ng bagong teleserye na inaasahang mas mahaba ang tatakbuhin sa ere kaysa sa karaniwang teleserye.
Sina Ruel Bayani at Trina Dayrit ang mga direktor ng Tayong Dalawa na magsisimula ngayong Enero 19.
* * *
Naglabas na ang Gawad Tanglaw ng kanilang mga winners at binubuo ito ng mga sumusunod: Best Pictures - Ploning/Boses/ 100: Best Actresses-Judy Ann Santos (Ploning), Anita Linda (Adela); Best Actors – John Estrada (Caregiver), Baron Geisler (Jay); Best Supporting Actress – Boots Anson Roa ( Lovebirds); Best supporting Actor – Emilio Garcia (Walang Kawala).