Malihim itong sina KC Concepcion at Richard Gutierrez dahil kahit anong pangungulit naming alamin kung ano ang Christmas gifts nila sa isa’t isa, hindi sumagot. Idinaan nila sa tawa at malagkit na tinginan ang aming tanong hanggang nakalimutan na naming i-follow up.
Sa shooting noong Monday ng When I Met You namin nakausap ang dalawa na kahit sunud-sunod ang mga eksenang kinunan sa kanila ni direk Joel Lamangan ay ’di namin kinakitaan ng pagod. Bawal silang mapagod dahil kailangang matapos ang movie sa scheduled date dahil sa February 11 na ang showing nito’t Valentine’s Day offering ng Regal Entertainment at GMA Films.
Looking forward na rin sila sa one-week shooting nila sa Coron, Palawan, but this early, siniguro na ni Richard na bitin ang five days nila sa nabanggit na lugar at sana raw ma-extend ang shooting nila roon.
“Hon” o “honey” ang tawag ni Richard kay KC at “babe” naman ang tawag ng dalaga sa kapareha. Hindi lang kami sure kung seryosohan ’yon o gusto lang biruin ang press, pero ang nakarinig ay kinilig.
Walang nakikitang problema si KC sa promotion ng When I Met You at tiyak siyang makakapag-promote sila ni Richard sa ABS-CBN at GMA 7 dahil nasa kontrata ito. Always welcome at maganda raw ang trato ng Channel 2 at Star Cinema kay Richard at ganu’n din siya sa Channel 7, kaya makakapag-promote sila ng maayos.
Ang ikinalulungkot ni KC, baka maging last movie na nila ito ni Richard dahil tapos na ang ex-deal ng GMA Films at Star Cinema at ng channels 2 and 7.
“Delikado dahil galing kami sa nag-aaway na network, maaaring last project na namin ito ni Chard. Ang daming pinagdaanan bago kami nagtambal sa movie, kaya sobrang thankful kami nang matuloy at two movies pa ang ginawa namin. Hindi ko pa alam kung paano uli kami magkaka-trabaho,” wika ni KC.
* * *
Tinext ng isang reporter si Bebong Muñoz, ang ex-boyfriend ni Jolina Magdangal na nasa Amerika ngayon dahil sa trabaho at hindi para umiwas ma-interview ng press sa break-up nila ng singer-actress.
Hiningan ng comment si Bebong ng reporter sa paghihiwalay nila ni Jolina at sa unang text message nito, puro smiley ang isinagot. Sinundan ’yon ng isa pang text message at ang sabi’y akala raw ng abogadong si Bebong ayaw na sa kanya ng press dahil hiwalay na sila ni Jolina.
Ang huling text nito’y ganito ang message: “I’m just in the US for three weeks. Don’t know what to say yet, but I don’t mind sharing with you when we’re ready. Thank you.”
Kung ibabatay sa mga sagot ni Jolina, ayaw na niyang pahabain pa at idetalye ang hiwalayan nila ni Bebong, kaya malabong dumating ang sinabi ng binata na isi-share nila ang dapat malaman ng press kung handa na sila.
* * *
Gumaganap na nanay ni KC si Cherry Pie Picache sa When I Met You at nakyukyutan sa loveteam nito at ni Richard. Habang ini-interview nga namin ang dalawa’y nakikinig ang actress at nakatingin sa lovely pair.
Naalala naming may isyu kay Cherry Pie, tungkol sa pagkaka-link niya sa ama ni Karylle na si Dr. Modesto Tatlonghari. Tinanong na siya about this sa presscon ng Tayong Dalawa na ikinagulat niya’t hindi aware na may ganoong tsika.
“Ang weird ’di ba? Nali-link ako, pero ’di totoo ’yon at pati nga ako nagulat. Saan galing ang tsismis na ’yon? Four years ago ko pa na-meet ang dad ni Karylle sa pictorial ng ginawa naming movie sa Regal na ’di ko na maalala ang title dahil matagal na,” sabi nito.
Dahil nasa shooting si Cherry Pie, ibig sabihin, mali ang balitang pinalitan siya sa role ng mother ni KC sa nabanggit na pelikula. Si Tirso Cruz III naman ang pumapapel na ama ni KC, bulag siya at laging inaaway ni Cherry Pie.
* * *
Sa Luna Mystika, naabutan ni Dexter (Mark Anthony Fernandez) si Luna (Heart Evangelista) sa bus at aaminin niya sa dalaga na mahal niya ito. Ayaw masaktan ni Luna ang kakambal na si Celestina, kaya sa una’y sasabihin niyang ’di niya mahal ang binata.