Bago pa man matapos ang taon, isang espesyal na handog ang dala ng ABS-CBN News and Current Affairs sa 2008 Upload, ang tinaguriang ‘hi-tech’ na yearend special na mapapanood sa ABS-CBN ngayong gabi, 10:00 p.m.
Tampok ang mga kuwentong yumanig sa bansa sa tulong ng Internet nitong 2008, ang 2008 Upload ay ilalahad ng mga premyadong broadcast journalists na sina Ces Drilon, Julius Babao, Alex Santos, Pinky Webb, Henry Omaga Diaz at Karen Davila, na hinirang kamakailan na isa sa Ten Outstanding Young Men ng JCI sa Pilipinas.
Babalikan nila ang pagsikat ni Charice Pempengco sa buong mundo dahil sa YouTube, ang mainit at minsa’y kakatuwang palitan sa imbestigasyon sa ZTE sa Senado, ang kontrobersiyal na blog ni Bryan Gorrell, gayundin ang Canister Video Scandal sa Vicento Sotto Medical Center na nauwi pa sa demandahan.
Sa tulong na rin ng pinoy netizens at bloggers, ipapakita sa programa ang pinaka-komprehensibo at pinaka-detalyadong pagbabalik-tanaw sa 2008. Mula sa world wide web ay dadalhin ng 2008 Upload sa TV ang mga video at iba pang multimedia materials sa mga naturang isyu na kumalat na parang virus sa Internet.