Dalawang pelikula na kasali sa Metro Manila Film Festival (MMFF) ang type kong panoorin, ang Magkaibigan ng Maverick Films at ang One Night Only ng OctoArts Films.
Mga positive feedback ang naririnig ko tungkol sa Magkaibigan. Lahat ng nakakausap ko na nakapanood sa pelikula nina Senador Jinggoy Estrada at Christopher De Leon eh nagsasabi na maganda ang Magkaibigan at pang-best picture ito.
Gustung-gusto ko naman ang trailer ng One Night Only. Lalo akong naging interesado na panoorin ito dahil all praises ang mga nakapanood na nito. Para purihin nila ang One Night Only, sure ako na bongga ang pelikula.
Si Joey Reyes ang direktor ng Magkaibigan at One Night Only. Hindi matatawaran ang husay ni Joey bilang direktor. Kung nakakaiyak daw ang Magkaibigan, nakakatawa ang One Night Only. Balanseng-balanse ang two filmfest entries ni Joey.
* * *
Si Amy Austria ang pinakamaagang dumating sa bahay nina Lorna Tolentino at Rudy Fernandez noong Lunes para sa simpleng birthday dinner ni LT.
Matagal nang magkaibigan sina LT at Esmeng. Sila talaga ang matalik na magkaibigan sa showbiz at never na naapektuhan ng intriga ang kanilang friendship.
Wala pa si LT nang umapir ako sa bahay nila. Ang kanyang panganay na anak na si Raphe ang nag-entertain sa amin.
Ipinakita sa akin ni Raphe ang kanyang sketches ng bamboo at kung anik-anik. Artist talaga ang panganay nina LT at Daboy. Ang gaganda ng mga sketches niya.
Ibinigay sa akin ni Raphe ang charcoal painting na nagustuhan ko. Pinapirmahan ko sa kanyang painting dahil sure ako na magiging collector’s item ito pagdating ng araw.
Nakagawa na ng short films si Raphe at magkakaroon na rin siya ng mga directorial job sa GMA 7. Bilib na bilib ako kay Raphe dahil ang dami-dami niyang talent.
* * *
Nakatanggap ako ng tawag mula kay Dr. Vicki Belo noong Lunes ng gabi. Ikinuwento sa akin ni Mama Vicki na type magpainterbyu ng mga magulang ni Hayden Kho dahil pabubulaanan nila ang balita na wala sa katinuan ang kanilang anak.
Maayos na ang kalagayan ni Hayden. Na-discharge na siya kahapon sa ospital. Normal na normal ang kanyang pag-iisip, kilos at gawa. Gustong hingin ng pamilya ni Hayden ang tulong ng media para ituwid ang mga maling tsismis tungkol kay Hayden.
* * *
Nanghinayang ang mga reporters sa ipinamigay na cake as Christmas gift ng isang young actress. Hindi kaagad nila natanggap ang cake dahil dinala ito sa mga publication offices kaya nasira ang pagkain.
Masarap pa naman sana ang cake. Hinayang na hinayang ang mga reporters dahil hindi kaagad nila nalaman na may pagkain na ipinadala ang young actress.
Sa susunod, mas mabuti na kunin ng young actress ang mga home address ng mga bibigyan niya ng regalo para hindi masayang ang kanyang effort at datung na ginastos.