Hindi natuloy kahapon, ang first day shooting ng Valentine’s Day movie nina KC Concepcion at Richard Gutierrez na co-produced ng Regal at GMA Films. Sumailalim muna ng two-day workshop ang dalawa under direk Joel Lamangan noong Friday at kahapon at bukas na ini-schedule ni direk Joel ang simula ng shooting ng pelikula na may working title na Save the Best for Last.
Once nakapag-umpisa, tuluy-tuloy na ang shooting para maihabol ang pelikula sa February 11, 2009 playdate.
Priority ni direk Joel ang pelikula, kaya inurong sa December 29, ang dapat December 19 na first taping day ng TV remake ng Paano Ba ang Mangarap? na balik-tambalan nina Mark Herras at Jennylyn Mercado at ka-triangle nila si Hero Angeles. Mabuti na lang at January 12, 2009 pa ang airing ng Paano…, kaya may enough time pa para mag-taping.
Balik sa KC-Richard project, excited na ang dalawa to be working with direk Joel at hindi ikinataranta ang unang rule ng director na bawal ma-late sa shooting dahil pareho naman silang punctual.
Sa January 6, 2009, ang alis nila para mag-shooting sa Coron, Palawan.
* * *
Bago ipalabas ang Desperadas 2, ipinakita muna ang trailer ng Civil Status: Single na bida si Rufa Mae Quinto at co-produced ng Viva Films. Tinupad ni Mother Lily Monteverde ang ipinangako sa sexy comedienne sa last and controversial presscon ng Desperadas 2 na tutulungan niyang ma-promote ang pelikula na ikinaluha ng dalaga sa sobrang tuwa.
Dahil sa pangakong tulong sa promo, lalong naengganyo si Rufa Mae na ipagpatuloy ang pagpo-produce ng pelikula. Next in line niya ang remake ng Working Girls at nagtatanong na siya sa press kung sino ang babagay na kanyang makakasama.
Samantala, isa si Rufa Mae sa nag-provide ng laughter sa Desperadas 2 at bawat hirit nito’y matatawa ang mga moviegoers. Aliw na aliw sa kanya ang mga nanood sa premiere night ng pelikula dahil suwabe ang pagpapatawa niya.
Maganda ang team-up nila ni Wendell Ramos na gumaganap na bading niyang ex-husband at Christian Vasquez as her politician lover.
Si Rufa Mae rin ang may pinakaseksi at pinakamaiksing outfit sa mga kasama. Ang lalim ng plunging neckline nito at isang dangkal na lang yata ang hemline ng suot na damit at skirt, pero carry niya dahil flawless at maputi ang hitad.
* * *
Kasama ni Maricel Laxa ang dalawang anak nang manood ng press preview ng Magkaibigan at very proud siya na nagustuhan ng mga anak ang pelikula. First movie niya ito na mapapanood ng mga anak at sana raw masundan pa.
Bagay silang mag-asawa ni Sen. Jinggoy na laging nag-aaway at nag-aasaran, pero nagkakabati rin agad. Biniro namin itong puwede silang loveteam ng senador.
Samantala, nagmamadaling umuwi si Dawn Zulueta after the preview at hindi na siya nakakuwentuhan ng press. Masama yata ang pakiramdam nito dahil buntis nga at balita namin, nagti-take ng steroids para mas kumapit ang ipinagbubuntis, kaya medyo tumaba ang actress.
Hindi tuloy namin nakumusta si Dawn kung nakakaubos pa rin siya ng limang balut at kung favorite pa rin niya ang sampalok at champoy.
Maiintindihan nina Sen. Jinggoy, Maricel at Boyet kundi siya makakasama sa Parade of Stars sa December 24. Mas mahirap kung sumama ang pakiramdam niya habang nasa parade siya.
* * *
Hindi pa uli namin nakakausap si Marvin Agustin na tiyak na disappointed dahil hindi siya natuloy sa pelikula nina KC Concepcion at Richard Gutierrez. Excited pa naman nitong ikinuwentong makakasama ang dalawa nang bisitahin namin sa taping ng Mike and Jane episode ng Dear Friend nila ni Jolina Magdangal.
This Sunday na pala magtatapos ang istorya nina Mike (Marvin) at Jane (Jolina) at mapipilitan silang magsamang muli para pasayahin ang natitirang araw ng kanilang anak. Ito’y kahit may iba ng girlfriend si Mike.