Isinampa kamakalawa ng aktor na si Baron Geisler sa Makati City Metropolitan Court ang P12,000 piyansa para sa pansamantala niyang paglaya kaugnay ng kasong acts of lasciviousness na isinampa laban sa kanya ng 21 anyos na dalagang si Patrizha Maree Martinez na anak nina William Martinez at Yayo Aguila.
Personal na humarap si Baron sa sala ni Judge Ronald Moreno na nag-utos sa kanya na bumalik sa korte sa Pebrero 3, 2009 para sa arraignment o pagbasa ng sakdal laban sa kanya.
Naunang inirekomenda ng Department of Justice ang pagsasampa ng kaso sa korte laban sa aktor matapos mapatunayang may basihan para siya isakdal alinsunod sa reklamo ni Patrizha.
Sinabi ni Patrizha sa kanyang reklamo na hinipuan ni Baron ang kanyang mga suso nang magkita sila sa Fiama Bar sa Makati City noong Abril 25 ng taong ito bukod sa inalok siya nito sa pakikipagtalik dito.
Pinabulaanan ni Baron ang akusasyon kasabay ng pagsasampa ng kontra demandang unjust vexation laban kay Patrizha pero ibinasura ito ng DOJ.
Kapag napatunayan sa korte na nagkasala si Baron, namemeligro siyang makulong nang anim na buwan hanggang anim na taon bukod sa posibilidad na pagbayarin siya ng danyos pinsala. (Michael Punongbayan)