Marami raw ang nagulat nang umiyak si Marian Rivera sa presscon ng Desperadas 2.
May nagtanong daw kasi sa kanya kung totoong buntis siya. Syempre, deny to death siya. Di pa raw umaabot sa ganitong lebel ang relasyon nila ni Dingdong Dantes. Kung sakali man daw, siya na ang unang aamin kung magkakatotoo ito.
Sabi ng nagkukuwento sa akin na ganun naman pala eh, ba’t kailangan pang umiyak, daw?
Dahil nainsulto raw siya nang itanong ito sa ex ng kanyang ka-loveteam. Gusto ba niya sumagot si Karylle na hindi naman dapat dahil lalabas itong mahadera?
Magkakahiwalay na sila, I’m sure ito ang dahilan ng paglipat ni Karylle, para wala nang gulo, at para matahimik na ang lahat. Ipagpatuloy na lamang nila pare-pareho ang magandang pakikitungo nila sa tao.
* * *
Nailibing na si Marky Cielo at sana naisama na niya sa hukay ang mga ispekulasyon at mga negatibong bagay na nalikha ng kanyang maagang pagpanaw. Idalangin natin na sana masaya siya, nasaan man siya.
Bilib ako sa narinig kong sinabi ng kanyang ina na kinuha na ng Panginoon ang kanyang anak dahil tapos na ang misyon nito sa lupa. Hanggang dun na lang daw ang buhay ng kanyang anak. Magiging matahimik na siya dahil natanggap na niya ang mga pangyayari, gaano man ito kasakit at kahapdi.
Naiintindihan ko rin kung bakit nagalit siya nang hindi pagbigyan ang kahilingan niya na huwag nang kunan ng larawan si Marky sa kamatayan nito. Gusto lamang niya sigurong maalala ang mukha nito noong buhay pa ito. Sana pinagbigyan na lamang siya.
* * *
Hindi natuloy ang paglipat ni Diether Ocampo sa GMA 7. Napigilan ito ng kanyang home network. Hindi mo naman masisisi ang GMA na tanggapin siya dahil siya ang pumunta at nag-offer ng kanyang serbisyo.
Ngayon kailangan niya ng dobleng pag-iingat dahil baka sa konting pagkakamali ay mawalan siya ng trabaho. Tandaan niya na sa ginawa niya ay nagkaroon na ng lamat ang kanyang pagkatao, ang kanyang loyalty.
* * *
Ang ganda naman nung tribute na ibinigay ng ASAP ‘08 kay kumareng Gloria Romero para sa kanyang, 75th birthday. Nakita kong umiiyak siya habang binibigyan ng mga mensahe nina Mama Nene Vera Perez at Manay Ichu Maceda. Maganda rin ‘yung mga performances na ginawa ng mga artists for her.
Si Gloria ang isang artista na dapat tularan ng marami. Umabot ito sa katanyagan na walang inaapakan, hindi gumigimik at hindi nasasangkot sa iskandalo. Kung ano siya nung magsimula, wala itong pagbabago, kahit na nang maging reyna siya ng pelikula.