Naging makulay ang buhay-pag-ibig at singing career ng namayapang si Didith Reyes (Helen Santamaria sa tunay na buhay).
Marami ang nanghinayang nang ito’y magpabaya sa kanyang singing career.
Kung gaano kabilis ang kanyang pagsikat magmula nang magdesisyon siyang mag-solo (mula sa Circus Band), ay ganoon din kabilis ang kanyang pagbagsak. Nagpabaya si Didith sa kanyang career.
Kung dati-rati’y siya ang pinaka-in-demand among the female singers nung kanyang kapanahunan, unti-unti siyang kinalimutan at nawalan ng trabaho.
Tuluyang nawala sa sirkulasyon si Didith at wala na kaming nabalitaan pa tungkol sa kanya.
Pagkalipas ng maraming taon, nabalitaan na lamang namin na madalas umano’y makita itong pakalat-kalat sa may Biñan, Laguna at kadalasa’y lasing.
Nalungkot kami para kay Didith lalupa’t ito’y naging malapit sa amin nung mga panahong recording star siya ng Vicor Music Corporation at OctoArts International.
Nung panahon ni Didith sa OctoArts, napakahirap na niyang i-handle.
Suko lahat sa kanya ang mga handlers hanggang sa tuluyan na siyang bitawan ng OctoArts nung kalagitnaan ng 1978.
Sa unang gabi ng lamay ni Didith sa Holy Family Hall ng Mt. Carmel Church sa Quezon City, parang reunion ng mga taga-Vicor ang nangyari.
Dumating si Boss Vic del Rosario, Jr. na dating EVP ng Vicor at ngayon ay Chairman-CEO ng Viva Entertainment Group. Naroon din si Norma Japitana na siyang Adprom manager noon ng Vicor, ang composer ng Araw-Araw, Gabi-Gabi ni Didith at isa sa mga production executives noon ng Vicor na si Willy Cruz, ang dalawa sa recording artists noon ng Vicor na sina Claire de la Fuente at Eva Eugenio. Dumating din ang singing pelotari na si Lorenzo.
Naiyak si Willy Cruz sa unang gabi ng burol. Kay Didith naranasan ni Willy ang kanyang kauna-unahang hit composition - Araw-Araw, Gabi-Gabi at unang musical scoring for the same movie na pinagbidahan noon ng yumao na rin si Charito Solis.
Naging hit ang pelikula na dinirek noon ni Danny Cabreira sa ilalim ng Lyra Ventures at isa sa mga entries ng MMFF nung 1975.
Nung panahon ng magpinsang Orly Ilacad at Vic del Rosario sa Vicor, aktibo ang kumpanya na sumali sa taunang Tokyo Music Festival.
Sa unang taon, ang Circus Band (kung saan si Didith ang isa sa mga lead vocalists) ang nag-represent sa Pilipinas.
Nung nagso-solo na si Didith, ang English version ng Araw-Araw, Gabi-Gabi na There’s Only You ang isinali sa Yamaha Music Festival na ginanap sa Tokyo, Japan.
Si Didith ang kumanta at ito ang nakapag-uwi ang gold prize.
Nagsisimula pa lamang sumikat noon si Didith nang siya ang muling ipadala ng Vicor sa Tokyo Music Festival nung 1977.
Muli, sa kanya iginawad ang gold trophy. Nakapanabayan pa niya noon si Morris Albert na ang entry naman ay ang classic hit nitong Feelings.
Sa burol ni Didith, marami kaming napagkuwentuhan nina Boss Vic, Norma J., Eva at Claire na pawang flashback.
Sinabi namin kay Eva na utang na loob niya kay Didith ang kanyang kasikatan dahil kung hindi siya (Didith) nagloko, baka hindi siya (Eva) nakapasok.
Timing ang pagpasok noon ni Eva sa OctoArts na naghahanap noon ng isang katipo ni Didith, maganda at sexy.
Kaya naman nang pumatok ang signature hit song ni Eva na Tukso, hindi rin napigilan ang kanyang pagsikat. Ginawa pang pelikula ang Tukso at si dating Pangulong Joseph ‘Erap’ Estrada pa ang kanyang leading man at producer.
Kung may pagkakataon, gusto ni Eva na i-revive ang mga awiting pinasikat ni Didith tulad ng Araw-Araw, Gabi-Gabi, Bakit Ako Mahihiya, Nananabik, Hatiin Natin ang Gabi at iba pa. Kung hindi man, nag-suggest kami kay Boss Vic na i-revive ang mga hit songs ni Didith na iba’t ibang female artists ang kumakanta at dalawa na rito sina Sarah Geronimo at Rachelle Anne Go na parehong contract stars ng Viva.
Si Boss Vic na lamang ang isa sa iilang record producers ang patuloy na nagpu-produce ng albums (CD) sa kabila ng paglipana ng mga pirated CDs.
Ngayong pumanaw na si Didith, ang kanyang mga pinasikat na awitin ang magsisilbing alaala na kanyang maiiwan.
Iniwan ni Didith ang kanyang kaisa-isang anak na si Arvi at dalawa niyang apo.
Si Didith ay nakatakdang i-cremate bukas, Martes, December 16 sa Heritage Memorial Park sa Taguig City.
Ang singer-businesswoman na si Claire de la Fuente ang namamahala sa funeral service ni Didith.
* * *
Email: aamoyo@pims.ph