Karugtong kahapon...
Ang maagang paglubog ng singing career ni Didith ay dahil na rin sa sarili niyang kagagawan at kapabayaan. Hindi niya iningatan at inalagaan ang kanyang career. Napariwara tuloy ang kanyang buhay. Kung kani-kanino na lamang siya sumasama hanggang sa siya’y mapadpad sa Biñan, Laguna kung saan siya natagpuang pakalat-kalat at kadalasa’y lasing.
Minsan, tinulungan siya ni Imelda Papin na makabalik sa kanyang singing career. Pero hindi nagtagumpay si Imelda dahil hindi pa rin maiwanan ni Didith ang kanyang masamang bisyo sa alak. Isa na siyang alcoholic.
Two years ago, muli naming napanood si Didith sa telebisyon na puno ng pasa ang mukha at katawan. Binugbog daw siya ng kanyang kinakasamang lalaki. Ang nangyaring appearance niya sa telebisyon ang naging daan para muli namin siyang makita. Sa tulong ng ating kaibigan at kasamahan sa panulat na si Jojo Gabinete, nagkita at nag-usap kami ni Didith sa Starbucks sa Ortigas Center. Isang mahigpit na yakap ang ibinigay niya sa amin. Pareho kaming naiyak sa aming muling pagkikita. Awang-awa kami sa kanyang kalagayan. Bukod sa ang laki ng kanyang itinanda, nakatungkod pa ito at kakaiba ang kanyang amoy. Marami siyang kuwento sa amin at naroon pa rin ang kanyang pagnanais na makabalik sa showbiz.
Isang beses, pinasundo namin siya sa Laguna, pinaayusan, piniktoryal para sa S Magazine at pina-interview sa TV Patrol at 24 Oras. Isinama ko rin siya noon sa birthday party ni Sen. Bong Revilla sa Heritage Hotel. Tuwang-tuwa siya dahil doon lamang siya muling naging ‘celebrity’ at nakakain ng masasarap na pagkain bukod pa sa marami siyang nakita na mga kakilala pa niya. Kakaibang glow ang nakita namin kay Didith sa oras na ‘yon at panay ang kanyang pasalamat hanggang sa siya’y aming ipahatid.
Kami ang humiling kay Leslie Reyes, may-ari ng popular chain ng Reyes Haircutters kung puwede niyang tulungan si Didith at hindi naman kami nagdalawang-salita kay Les.
Kahit walang background sa parlor si Didith, pinagtiyagaan siya kahit madalas ay naging pasaway siya. Madalas siyang ireklamo ng kanyang mga kasamahan dahil bukod sa madalas itong may sumpong, madalas umano itong magwala kapag nalalasing. Itinatago niya ang bote ng gin at isinasalin sa bottled water. Kung hindi lamang naawa si Les, matagal na sanang pinaalis si Didith sa parlor. Libre ang kanyang tinutuluyan maging ang kanyang pagkain at may suweldo siyang natatanggap pero kapag may pera ay mas inuuna pa nito ang alak.
Bago pa man siya namasukan sa parlor ni Les ay may sakit na si Didith. May pagkakataon pa nga na na-confine siya sa hospital at sinagot ito ng mag-asawang Les at Dina Reyes.
Nung nakaraang Sabado, nag-off si Didith sa parlor dahil dadalaw daw siya sa kanyang mga kaibigan sa Biñan, Laguna. Nagulat na lamang ang kanyang mga kasamahan sa Reyes Haircutters nang hindi ito bumalik nung nakaraang Lunes lalo na nang lumabas ang balita na ito’y patay na nang matagpuan ng kanyang kaibigan na kanyang tinuluyan sa Bgy. Sto. Domingo, Biñan, Laguna.
Bilang isang kaibigan, nanghinayang kami sa nangyari kay Didith lalo’t namatay ito na walang-wala, samantalang pinagdaanan nito ang rangya at kasikatan. Sa kabila ng kanyang mga pinagdaanan, gusto pa rin naming alalahanin si Didith bilang isang kaibigan sa kabila ng kanyang mga kakulangan.
Paalam, Didith. Paalam, kaibigan! Hangad namin ang iyong walang hanggang kapayapaan sa piling Niya na hindi mo nakatamtan sa lupa.