Ang dami-daming hot na showbiz news pero hindi ko naman puwedeng isulat dahil sa pakiusap ng mga involved na tao. Eh sino ba naman ako para hindi sila pagbigyan? Madali naman ako na pakiusapan.
Hindi ako kagaya ng TV crew ng isang TV network na naging insensitive dahil hindi nila mapagbigyan ang pakiusap ng pamilya ni Marky Cielo na irespeto ang kanilang pagluluksa.
Marami na ang tumawag sa akin sa telepono.
Galing ang mga phone call mula sa Mountain Province. Inirereklamo nila ang mga TV crew na sugod nang sugod sa loob ng bahay nina Marky para makunan ito.
Hurt na hurt si Mildred dahil ipinakita raw sa Bandila ang bangkay ni Marky. Si Mildred ang butihing-ina ni Marky. Hindi raw pinagbigyan ang kanilang request na magkaroon ng tahimik na burol ang kanyang anak.
* * *
Dagsa ang mga tao na pumupunta sa burol ni Marky sa Mountain Province. Dinalaw na siya ng mga elementary student na pumunta muna sa bahay nila bago pumasok sa school.
Nasa Mountain Province na rin si Butch Francisco. Pumunta siya sa Baguio City noong Huwebes para sa live coverage ng Startalk sa burol ni Marky at mapapanood ito ngayong hapon sa aming show.
May bahay si Butch sa Baguio City. Apat na oras ang biyahe mula sa Baguio City hanggang sa lugar ng mga Cielo sa Mountain Province.
* * *
Nagkaroon ng mini-concert si MMDA Chairman Bayani Fernando sa Cafe Kapitan, isang sosyal na cafe sa Marikina City.
Ginanap ang Christmas party for the press ni Papa BF sa Cafe Kapitan. Na-impress ako dahil maganda ang lugar at masarap ang mga pagkain. Kung hindi lang malayo ang Cafe Kapitan, siguradong palagi ko itong pinupuntahan.
Bongga rin ang raffle prizes na ipinamigay ni Papa BF at ng kanyang mabait na misis, si Marikina City Mayor Marides Fernando.
Pinakabongga ang pera na donasyon ni Papa BF sa Child Haus, ang isa sa tatlong charitable institution na makikinabang sa datung na napanalunan ni Papa BF sa Celebrity Duets.
Nakakaantig ng puso ang mga bagets na nakita ko. Mga bagets na may mga sakit na kanser pero masigla at nakikipaglaro sa mga bata na meron din na cancer illness.
Nakakaiyak ang eksena na naki-sing ang mga bagets sa pagkanta ni Papa BF ng mga Christmas song.
May napansin ako kay Papa BF. Mas natural ang kanyang kilos at pagkanta kapag wala siya sa harap ng mga TV camera. Mas buo rin ang kanyang boses. Komportableng-komportable siya kapag nasa sariling teritoryo.
* * *
Diretso sa bank account ng mga anak nina Carmina Villarroel at Zoren Legaspi ang mga datung na kinikita nila mula sa mga product endorsement.
Secured na secured na ang future nina Mavy at Cassy. Sure ako na masusundan pa ang mga TV commercial nila dahil mabiling-mabili sila sa mga advertiser.
Si Carmina at ang mga bagets ang mga bagong endorser ng Bioderm soap. Napanood ko na ang iba’t ibang version ng Bioderm Soap commercial. Natural na natural ang acting nina Mavy at Cassy. Sanay na sanay na sila na umarte sa harap ng kamera. Mukhang type rin nila na maging artista kagaya ng kanilang madir at fadir.
May dugong artista sina Mavy at Cassy. Imposibleng hindi nila sundan ang yapak nina Zoren at Carmina pero mas makabubuti na makatapos muna sila ng pag-aaral.