Judy Ann 'nangangampanya' na sa Amerika

Matagal na mami-miss ng kanyang mga tagahanga si Judy Ann Santos. Nag­tungo na ito ng US para ikampanya ang Ploning para sa Oscars. Mata­tandaan na nagsagawa pa ito ng ilang fund-raising para makalikom ng pondo na magagamit niya sa kanyang kampanya.

Pero bago umalis si Juday ay gumawa na siya ng isang episode na mukhang hindi malilimutan ng mga TV viewers sa mahabang panahon. Gagampanan niya sa Maalaala Mo Kaya (MMK) ngayong Sabado sa direksyon ni Jerry Lopez Sineneng ang role ng isang inang may walong anak. Kahirapan at labis na kalungkutan ang magtutulak sa kanya para lasunin ang kanyang mga anak pati na ang sarili niya.

Sa katatapos na Star Awards for TV, pawang mga artista na gumanap sa MMK ang naglaban-laban para sa best drama actress and actor. Hindi na pagtatakhan kung next year ay ma-nominate rin at manalo ng acting award si Juday para sa kanyang paglabas sa MMK.

* * *

Ang anak na ni Mother Lily na si Roselle Monteverde-Teo ang mamamahala na sa Regal Films. Formal nang nagkaro’n ng turnover na isinabay sa press launch ng Shake Rattle & Roll X (SRRX) nung Martes ng gabi sa Imperial Palace Suites.

Sa kanyang pamamahala, nakaplano na ang isang taong itatakbo ng Regal, may inihahanda nang tigalawang movies for Marian Rivera na kasama sa SRRX, Judy Ann Santos at Dennis Trillo. Sa mahabang panahon na tinutulungan niya si Mother Lily sa pagpapatakbo ng kanilang movie company, humingi pa rin si Roselle ng suporta sa movie press.

Priority ng bagong namumuno ng Regal ang pagpapatapos at promosyon ng nag-iisang horror film entry sa MMFF, ang Shake Rattle & RollX, ang itinuturing na most successful film franchise na bukod sa kumita ng malaki sa takilya ay nanalo pa ng mga awards.

Tatlo ang episodes ng SRRX na dinidirek ng dalawang direktor, sina Mike Tuviera (Nieves at Emergency) at Toppel Lee (Class Picture). Ang cast ay binubuo ng mga artista ng mortal na magkalabang Kapuso and Kapamilya networks –Marian Rivera, Kim Chiu, Gerald Anderson, JC de Vera, Roxanne Guinoo, Mylene Dizon, Wendell Ramos, Jean Garcia, Iwa Moto, Jennica Garcia, John Lapus, Erich Gonzales, BJ Forbes, IC Mendoza, Jaanus del Prado at Robert Villar, Jr.

Sa presscon nabakas pa rin ang hindi pa naghihilom na sugat ng puso ni Roxanne Guinoo na nilikha ng paghihiwalay nila ni Jake Cuenca. Sa kanyang trabaho ibinubuhos ni Roxanne ang kanyang panahon.

“Saka na muna ang lovelife,” sabi niya.

Nang sisihin ang sobra niyang pagiging selosa sa naging paghihiwalay nila, sinabi nitong “Dapat pa ngang magpasalamat siya dahil mahal na mahal ko siya.”

* * *

Isa sa pinaka-well organized na Christmas party na nadaluhan ko ay yung ibinigay ng Star Magic at pinamahalaan ng kanilang publicity director na si Rikka Dylim.

Walang seremonyas pero, lahat nakatanggap ng regalo ’di lamang mula sa Star Magic kundi sa lahat ng kanilang mga sponsors, mula sa mga beauty aids hanggang slippers and bags.

Ang sarap ng food, galing ng pumili ng menu. Host ang mga Star Magic artists na mga December born at may mga movies sa MMFF: Jayson Gainza, Hopia Legaspi, Empress Schuck, Dionne Monsanto, Yong An Chiu, Kristel Fulgar, Gian Sotto, AJ Perez, Nash Aguas, Sophia Baars, Jon Avila, Jiro Manio at marami pang iba.

Simple rin yung pa-Christmas ni Ben Tulfo sa Max’s Roces. May pa-raffle din ng cash, appliances. Exclusive ’yon para sa mga taga-Philippine Movie Press Club.

Sa lahat ng mga nakakaalala ngayong Pasko sa gitna ng economic crisis, maraming salamat sa inyong lahat.

Show comments