Masigabong pinalakpakan ang isang bulag na high school student mula sa Quezon City na si Elijohn Rivero nang manalo siya kamakailan sa Palistuhan Rap-Challenge ng Nescafé Iced Coffee.
“Nagpapasalamat po ako. Hindi ko inaasahan na mananalo ako dahil mas higit akong isang rocker kaysa rapper,” sabi ni Elijohn na nanalo ng P30,000 premyo.
Naging special guest siya kamakailan sa sikat na BrewRats radio program dahil sa pagkapanalo niya sa Palistuhan.
Inamin ni Elijohn na ninenerbiyos siya hanggang sa dulo ng kompetisyon. “Nawalan nga ako ng pag-asa na manalo. Mga beteranong rapper at magagaling kasi ang dalawa ko pang kalaban sa final round,” dagdag pa niya.
Sa Palistuhan challenge, nagsama-sama rin ang ilang magagaling na amateur rapper mula sa loob at labas ng Kalakhang Maynila para matukoy kung sino ang pinakalisto sa kanilang lahat.
“Gusto naming ihain sa mga kabataan ang Palistuhan rap battle at bigyan sila ng pagkakataong maipakita ang kanilang galing sa rap,” sabi ni Leanne Jacinto, Nescafé Ready-to-Drink consumer marketing manager for liquid beverages.
Gayunman, pinapurihan at hinangaan ng audience at ni Nescafé Iced Coffee endorser Ramon Bautista ang mga napasamang 12 finalists.
“Hanga ako sa kanilang rapping skills. Magagaling silang lahat,” sabi ni Bautista na isang self-proclaimed “master rapper” at host ng BrewRats.