Ibinasura kahapon ng Department of Justice (DOJ) ang kaso laban kay Elena dela Paz na naunang isinangkot bilang accomplice sa pagpatay sa aktres na si Nida Blanca.
Si Dela Paz na dating katiwala sa bahay ni Nida ang itinuro ng isa sa mga testigo sa krimen na kasama umano ng mga suspek sa pagpatay sa aktres.
Sa labing dalawang pahinang resolusyon na inaprubahan ni Justice Secretary Raul Gonzalez, pinagbigyan ng DOJ ang petition for review na inihain ni Dela Paz kaugnay sa kasong isinampa laban sa kanya.
Sinabi ng DOJ na may sapat na basehan para paniwalaan ang pahayag ni Dela Paz na inosente siya kaugnay sa pagpatay sa aktres noong November 6, 2001.
Nilinaw pa ni Gonzalez na hindi nila maaaring pagbatayan ang isang espekulasyon na dahil nakita si Dela Paz ng isa pang testigo na si Ranny Francisco na huling kasama ng biktima bago pinatay ay may kinalaman na ito sa krimen.
Iginiit pa ng DOJ na ang salaysay ng star witness na si Andrada Dalandas na hindi nito nakita si Dela Paz na kasama ang biktima bago at pagkatapos ng krimen.
Kasabay nito, inalis na sa DOJ witness protection security and benefit program si Francisco.
Samantala, napaiyak naman sa kagalakan si Dela Paz sa pagkakaabsuwelto niya sa nasabing kaso dahil naapektuhan na rin umano ang kanyang kalusugan sa tuwing iniisip umano niya ang kanyang kaso.
Idadalangin na lamang umano ni Dela Paz na malutas na ang kaso ng pinaslang na beteranang aktres.
Nagpasalamat naman ang anak ni Nida na si Kaye Torres kay Gonzalez dahil ipinawalang sala nito ang matagal nilang katiwala dahil alam umano nito sa kanyang puso na wala itong kinalaman sa nasabing kaso. (GEMMA AMARGO-GARCIA)