Balita sa pagkamatay ni Marky maraming version

Namatay kahapon ng madaling-araw ang 20 anyos na aktor na si Marky Cielo.

Habang isinusulat ito, hindi pa malinaw ang sanhi ng pagkamatay ni Marky pero sinasabi sa pangu­nang ulat na namatay siya habang natutulog. May lumabas na isyu na umano’y may mga pagbabanta sa buhay nito bago naganap ang insidente.

Ayon sa report, pinuntahan umano si Marky ng kanyang ina sa kuwarto nito sa kanilang bahay sa Antipolo City bandang alas-6:00 ng umaga para gisingin pero hindi bumangon ang aktor.

Sa pahayag ng GMA-7: Bandang alas-10:00 kahapon ng umaga sa Antipolo Doctors Hospital ay idineklarang dead on arrival ang young actor at Starstruck Nationwide Invasion Sole Survivor.

 Ayon sa paunang salaysay ng kanyang ina na si Mildred Cielo, natagpuan niyang nakahandusay ang kanyang anak sa kanilang tahanan sa Antipolo, Rizal, at agad niya itong isinugod sa ospital. Sa ngayon ay hinihintay pa nila ang resulta ng imbesti­gasyon sa sanhi ng pagpanaw ng batang aktor.

Nasa St. Peter Memorial chapel sa vicinity of Antipolo Cathedral (Our Lady of Good Voyage) ang labi ni Marky habang sinusulat ito.

Tubong Mountain Province at may lahing Igorot si Marky. Hinangaan siya sa kanyang husay sa pag-arte at pagsayaw.

Bukod sa mga panalangin, humihiling ang pamilya ni Cielo ng privacy sa matinding dagok ito sa kanilang buhay.

Huli siyang napanood sa Startalk, SOP at La Lola. Siya rin ang tumatayong Youth Spokesperson ng Department of Health.

Lumabas din siya sa ilang show sa GMA-7 tulad ng Encantadia, Fantastikids, Bakekang, Asian Treasures, Boys Nxt Door, Kaputol ng Isang Awit at Codename: Asero. Pero mas nakilala siya bilang Zaido Green sa Zaido: Pulis Pangka­lawakan na bida si Dennis Trillo.

Show comments