Nakatakdang ilunsad ngayong Sabado ang bagong programa sa telebisyon ganap na ika-4:00 ng hapon - ang ClassRoam na mapapanood sa Zoe TV 33 na mas kilala sa tawag bilang UniversiTV.
Ang Zoe TV 33 ay makikita sa Channel 5 ng Sky Cable dito sa Kamaynilaan. Ipapalabas din ang nasabing programa sa mahigit 100 relay stations nito sa iba’t ibang siyudad sa mga probinsiya sa buong kapuluan.
Host sa nasabing show sina Lex Lopez na tinaguriang Pinoy Latino Singer at naging Best New Artist awardee nitong nakaraang 21st Aliw Awards, si Kierwin Larena na isang stage actor at sina Lea Ledesma at Marie Santiago na parehong lead vocalist ng bandang The Daybreaks kung saan kasali din sina Ryan Madrid (lead guitarist), Jij Macaspac (bass guitarist), Vincent Madrid (drums) at Sam Madrid (keyboardist). Ang nasabing banda ay regular ding mapapanood at mapapakinggan ang kanilang mga awitin sa naturang tv show.
Ang programa ay naglalahad ng mga aktibidades ng mga mag-aaral sa bakuran ng eskuwelahan at may panayam sa mga outstanding students at mga awtoridad ng establisimiyento. Iikot sa iba’t ibang eskuwelahan ang programa. Featured sa unang palabas ang Emilio Aguinaldo College sa Manila.
Mayroon din mga featured personalities na kakapanayamin para ibahagi sa mga mag-aaral ang istilo o lihim ng pamamaraan tungo sa tagumpay lalo na ang mga propesyon na pambihira tulad ng isang dating beauty queen na naging piloto at nagsanay para maging conmonaut, si Irene Mora. Siya ay mapapanood sa unang episode.
Ang ClassRoam ay prodyus ng Simzone Entertainment Production, executive producer si Junne Quintana at director naman si Thelma Torralba.