“Hindi kami magpapatalo,” deklara ni Patricia Marcelo-Magbanua, TV5 Marketing Communications Manager tungkol sa isinampang kaso ng GMA Network sa ABC-5 at Malaysian media company dahil sa umano’y illegal blocktime agreement nito.
Kamakalawa ay nagsampa ng kaso ang GMA Network, Citynet at ZOE Broadcasting laban sa ABC 5, Malaysian company Media Prima Berhad (MPB) at MPB Primedia dahil sa pagbuo ng diumano’y labag sa batas na blocktime agreement.
Sa press statement, hinihiling ng GMA Network sa Quezon City Regional Trial Court na ipawalang bisa ang blocktime agreement sa pagitan ng MPB Primedia at ABC 5 dahil ang nasabing kasunduan ay labag umano sa 1987 Philippine Constitution na nagre-restrict sa pagmamay-ari at pangangasiwa ng mass media sa mga Filipino citizen o korporasyon.
Ang blocktime agreement ay nagbibigay-pahintulot sa MPB Primedia na kontrolin at pangasiwaan ang programming content at airtime sales ng ABC 5.
Sinabi pa ng GMA Network na bagama’t nakasaad sa Articles of Incorporation ng MPB Primedia na pagmamay-ari ito ng mga Pilipino, sa katunayan ay isa itong subsidiary ng kumpanyang Malaysian na Media Prima Berhad. Nakasaad pa umano sa Verification o Reservation Request ng Primedia sa files ng Securities and Exchange Commission (SEC) na ang acronym na “MPB” sa corporate name nito ay nangangahulugang “Media Prima Berhad” na mismong pangalan ng nasabing Malaysian company.
Ayon sa dokumentong nakalap ng GMA 7, nakumpirma itong isaad ng MPB sa website nito na bumuo ito ng isang subsidiary sa Pilipinas – ang MPB Primedia — na papasok sa isang blocktime agreement sa ABC -5 Network, isa sa mga television network sa Pilipinas.
Sinabi rin ng GMA na ayon sa ulat ng Merril Lynch ng Singapore noong Marso 25, 2008, ang pagbili sa airtime ng ABC-5 ay bahagi ng investment strategy ng Malaysian corporation na Media Prima Berhad na magtatag ng kumpanya sa Pilipinas. Ang kumpanyang sinasabi sa ulat ay ang Primedia.
“Mayroong authorized capital stock ang MPB Primedia na nagkakahalaga ng P5,600,000.00. Dalawampu’t limang porsyento (25%) ng authorized capital stock ng Primedia ay subscribed ng mga director and incorporator. Sa 25% subscribed capital, P350,150.00 lamang ang nabayaran.
“Ang pagkakalipat ng kontrol at pangangasiwa ng programming content at airtime sales ng ABC 5 sa MPB Primedia ay nangangahulugan ng pakikialam ng isang banyagang kumpanya o ng dummy nito sa 100% nationalized business activity. Labag ito sa Constitution at Anti-Dummy Law ayon sa ginawang pag-aaral ng GMA 7.
“Nakasaad sa Constitution na ang mass media, kasama ang television at radio broadcast, ay isang nationalized business activity. Ang Anti-Dummy Law (Commonwealth Act No. 108, as amended) ang nagpaparusa sa sinumang lulusot sa nationalization laws at nagbabawal sa non-Filipino citizens na makialam sa pangangasiwa, operasyon, at kontrol ng kahit na anong nationalized activity.
“Maliban sa hiling na ipawalang bisa ang blocktime agreement ng ABC-5 at MPB Primedia, humihingi rin ang GMA Network ng P11 million para sa damages, kasama na rito ang attorney’s fees at litigation expenses, mula sa ABC 5, MPB, at MPB Primedia bilang kabayaran sa nawalang kita dahil sa hindi patas na kompetisyon,” ayon sa statement ng GMA.
Wala pa raw nakukuhang dokumento ng TV5 hanggang kahapon ng tanghali kaya hindi pa sila nakakapaglabas ng official statement. Pero oras na makakuha na raw sila ay sasagutin nila ang inihaing kaso ng GMA 7. (SVA)