Patrick nakadepende sa anak ang pagbalik sa showbiz

Very thankful si Maricel Laxa kina Sen. Jinggoy Estrada at Direk Joey Javier Reyes na kasama siya sa pelikulang Magkaibigan, isa sa walong official entries sa darating na MMFF, hindi lamang dahil maganda ang project kundi ‘yung experience na makatrabaho ang batang senador sa kauna-unahang pagkakataon at muling makatrabaho sina Christopher de Leon at Dawn Zulueta na madalas niyang katrabaho noon.

Sampung taon na ang nakalipas sa kanyang huling pelikula kaya nasabik siyang muling gumawa ng pelikula.

Although seryoso ang tema ng pelikula tungkol sa pagkakaibigan, wala umanong dull moment sa set dahil bukod sa parati silang sagana sa pagkain, napakasaya umano nila sa set dahil kalog umano si Sen. Jinggoy at maalaga sa kanyang mga co-stars.

Very proud si Direk Joey sa pelikula dahil pawang mahuhusay at professionals ang mga actors na katrabaho niya.

First time na nakatrabaho ni Sen. Jinggoy sina Boyet, Dawn at Maricel at second time naman si Direk Joey na siyang nagbigay sa batang senador ng dalawang best actor trophies para sa pelikulang Katas ng Saudi na naging entry din sa MMFF nung isang taon.

* * *

Totohanin kaya ni Patrick Garcia ang kanyang pangako na magbabalik-showbiz lamang siya kapag nakita na niya ang kanyang anak kay Jennylyn Mercado na si Jazz? 

Sa ngayon, tumutulong muna si Patrick sa negosyo ng kanyang ama sa Laguna.

Bago umalis patungong Amerika si Jennylyn, nagdeklara ito na binura na niya sa kanyang buhay si Patrick kaya nagpalit na rin siya ng numero. 

Pero kung talagang desidido si Patrick na makita ang kanyang anak kay Jennylyn, maraming paraan kahit pa nagpalit ng number ang kanyang ex-girlfriend. Masakit nga namang isipin na nung mga panahong kailangang-kailangan ni Jennylyn si Patrick ay wala ito. Pero lahat naman ng sugat ay pinaghihilom ng panahon kaya malamang na lumambot din ang puso ni Jennylyn at ipakita na rin nito ang kanyang anak sa aktor sa lalong madaling panahon.

Sinabi rin ni Patrick na hindi na ang tungkol sa kanilang dalawa ni Jennylyn ang issue kundi ang kanilang anak. Sa paglaki ng bata, tiyak na hahanapin ang kanyang ama na karapatan naman ng bata na malaman.

Samantala, hindi nakadalo si Jennylyn sa unang presscon ng One Night Only dahil kasalukuyan itong nasa Amerika. First movie ito ni Jennylyn matapos niyang isilang si Jazz.

Nakaka-relate si Valerie Concepcion sa pinagdaraanan ngayon ni Jennylyn dahil pinagdaanan din niya ito nang talikuran siya ng ama ng kanyang anak na si Fiona Heather nung kasalukuyan niya itong ipinagbubuntis.

* * *

Ma-duplicate kaya nina Keempee de Leon, Oyo Sotto at Gian Sotto ang tagumpay na inabot ng kanilang respective dads na sina Joey de Leon, Vic Sotto at Tito Sotto?

Sa presscon ng Iskul Bukol...20 Years After, inamin nina Keempee, Oyo at Gian na ang best thing na nangyari sa kanila ay ang pagiging anak ng kilalang Tito, Vic & Joey. 

Mahirap umanong ma-duplicate ang inabot ng kanilang mga ama pero ang mangalahati man lamang sa mga achievements ng mga ito ang maabot nila ay malaking bagay na sa kanila. 

“Ngayon namin sila lalong na-appreciate dahil sa kanilang ginawang paghihirap para lamang sa amin na mga anak nila,” ani Oyo na habang lumalaon ay lalong gumaguwapo.

* * *

 aamoyo@pims.ph

Show comments