Pumatok

Certified box-office hit naman pala ang launching movie nina Jose Manalo at Wally Bayola na Scaregivers na kumita ng milyones sa takilya nang magbukas nu’ng Miyerkules. Tumataginting na P3.5M ang kinita nito, kaya bukod sa kasiyahan ng dalawang komedyante mula sa Eat Bulaga, wala ring pagsidlan ng kaligayahan ang mga producers ng horror-comedy film na APT Entertainment ni Tony Tuviera at M-Zet Television, Inc. ni Vic Sotto.

Ang kuwento ni Jun Nardo, punum-puno kasi ng katatawanan at katatakutan ang Scaregivers na sinamahan ng epektibong special effects kaya naman naakit ang mga taong panoorin ang movie.

 Dagdag pa ni JN, maraming naaliw sa special participation ni Bossing Vic na nakaw-eksena at hinalakhakan ng manonood. Bukod sa mahusay na comedian, masisilip din ang partisipasyon nina Marian Rivera, Julia Clarete at Boy Abunda sa pelikula.

“Grabe ang kaba namin nang sabihing gagawan kami ng launching movie. Tumindi ito nang ginagawa na namin ‘yun. At nang ipalalabas na, hindi na kami makatulog, tulala pero panay ang dasal na tangkilikin ng tao ang movie. Salamat sa Diyos at dininig ang mga dasal namin! Pero mananatili pa rin kaming simpleng tao na mapapanood pa rin sa Eat Bulaga at magbibigay-tuwa sa publiko!” tuwang-tuwang pahayag nina Jose at Wally.

 Masasabi nga namang hasang-hasa na sa pagpapatawa sina Jose at Wally dahil sa araw-araw nilang pagsalang sa Eat Bulaga, sa gabi-gabing pagku-comedy sa Klownz at Zirkoh at paglabas bilang sidekick sa mga pelikula ni Vic gaya ng Ispiritista at Dobol Trobol kung saan nakasama nila ang Comedy King na si Dolphy at iba pang komedyante, iba pa ring medium ang pelikula lalo na nga’t sila pa ang bida.

Sa pagpatok sa takilya ng Scaregivers, ipinanga­nak na ang mga bagong komedyante ng bansa.

Sino kaya ang papalitan nila ng trono?

* * *

Isa pang nagtagumpay sa takilya ay ang One True Love ng GMA Films at Regal Films. Aba, ang say nila umabot sa P50 million ang kita ng pelikula sa loob ng isang linggo. Sosyal na rin sila dahil humataw ang pelikula nila samantalang pukpukan ang shooting nila hanggang sa ipalalabas na lang ang pelikula.

* * *

Sa pagkita ng pelikula ng Scaregivers at One True Love, nakakatuwang isipin na mukhang bumalik na ang interes ng mga manonood sa pelikulang Tagalog.

Show comments