Sampung banda ang magtatagisan ng galing para masungkit ang isang milyong piso at kasikatan sa grand finals ng 10th Red Horse Beer Muziklaban ngayong gabi sa Marikina Sports Complex.
Pangungunahan ng legendary foreign rock metal band Sepultura ang pinakaaabangang pagtitipon ng mga ‘rakista’ ngayong taon. Kabilang lamang ang sampung finalists ng Red Horse Beer Muziklaban sa libu-libong nasasabik sa pagtugtog ng Sepultura ngayong Sabado.
Matapos ang matinding eliminations ay sandaling hirap na lang ang daranasin ng Red Horse Beer Muziklaban finalists na: Duelist at Mortal Fear mula sa Greater Manila Area (GMA), Karding Sungkit (Nueva Ecija) at Even (Baguio) mula sa Central North Luzon Area at Rigmarole (Batangas) at Triangulo (Cavite) mula sa Southern Luzon Area.
Manggagaling naman sa Visayas ang Indiephums (Cebu) at Moabites (Tacloban) habang pambato ng Mindanao ang K9 (Cagayan de Oro) at Psykbox (Iligan).
“We’re sure that the presence of a world-class and deep-down thrast metal band like Sepultura will ignite the primal passions of the finalists,” wika ni Red Horse Beer group brand manager Affie Carpio na nagdagdag na maliban sa isang milyong piso ay magkakaroon pa ng recording contract ang magwawagi.
Kasama sa natatanging gabi ng rakrakan ang Queso, Slapshock, Greyhoundz, Urbandub, Typecast, Kjwan, Mayonnaise, Gayuma, Radioactive Sago Project, Intolerant, Sultans of Snap, HardBoiledEggz, Sunflower Day Camp, 18th Issue, Fuseboxx, Join The Club, Descant Gott, Crowjane, Dog Fight, Mental Floss, MRPD, The Ambassadors at Treastone.