Aliw na aliw si Dawn Zulueta kay Senator Jinggoy Estrada. First time ni Dawn na makatrabaho si Jinggoy sa pelikulang Magkaibigan at nagulat siya nang ma-discover niya na palabiro ang aktor.
Ang akala ni Dawn, suplado si Jinggoy. Nagkamali siya ng akala dahil si Jinggoy ang nagpapasaya sa mga tao sa set ng Magkaibigan.
Ang sey nga ni Dawn, nadagdagan ang kanyang timbang dahil panay ang dala ni Jinggoy ng pagkain sa set ng pelikula nila na ka-join sa 2008 Metro Manila Film Festival.
Noon ko pa sinasabi na nakakatawa si Jinggoy. Mukha lang siyang suplado pero matindi ang kanyang sense of humor.
* * *
Last shooting day ng Magkaibigan noong Linggo. Dumalaw sa set si Lorna Tolentino. Dala-dala niya ang Hope CD na ipinarinig niya sa mga artista ng Magkaibigan.
Inspired ng kuwento ng friendship nina Jinggoy at Rudy Fernandez ang Magkaibigan. Si Christopher De Leon ang gumanap na kaibigan ni Jinggoy sa pelikula na mula sa direksyon ni Joey Reyes.
Si Joey rin ang scriptwriter at direktor ng Katas ng Saudi. Hindi ako magugulat kung kasing-ganda ng Katas ng Saudi ang Magkaibigan dahil subok na ang husay ni Joey.
* * *
Nakarating sa akin ang tsismis na type ng MMDA na huwag nang magkaroon ng Parade of Stars sa December 24.
Ang MMDA ang organizer ng MMFF kaya may power sila na ipatupad ang mga gusto nila.
Marami raw ang tumutol sa plano na tsugihin ang Parade of Stars dahil matagal na itong tradisyon.
Kung ako ang tatanungin, hindi dapat alisin ang parada ng mga artista dahil nakakapagpaligaya ito ng ating mga kababayan na nanggagaling pa sa malalayong lugar at pumupunta sa Roxas Boulevard para ma-sight ang kanilang mga paboritong artista.
Hindi magiging successful at makulay ang MMFF kung aalisin ang parada ng mga artista. ’Yun lang!
* * *
Si Papa Bayani Fernando ang big boss ng MMDA. Knowing Papa BF, maiintindihan niya ang sentimyento ng mga taga-showbiz kapag itinuloy ng MMDA ang pagtsugi sa Parade of Stars.
Madaling kausap si Papa BF. Na-prove ko ito sa ilang beses na pagkikita namin sa kanyang mga ipinatawag na presscon.
Suplado ang image ni Papa BF pero sa tunay na buhay, malakas din ang kanyang sense of humor.
Masaya nga siya nang sabihin niya ang pagkakaroon ng maraming kaibigan sa entertainment press mula nang sumali siya sa Celebrity Duets.
I’m sure, pakikinggan ni Papa BF ang apela ng entertainment press na huwag ituloy ng MMDA ang pag-scrap sa parada ng mga artista.
* * *
May naghihintay na sorpresa sa mga reporter sa presscon ng Ang Tanging Ina Ninyong Lahat.
Si AiAi Delas Alas ang star ng filmfest entry ng Star Cinema. Hindi ko sasabihin ang sorpresa na matitikman ng mga dadalo sa presscon ng pelikula ni AiAi para hindi ma-pre-empt ang kanyang plano!
Super hit noon ang Ang Tanging Ina. Naging Box-Office Queen nga si AiAi dahil sa pelikula na pinagbidahan niya. Tingnan natin kung madu-duplicate ng Ang Tanging Ina Ninyong Lahat ang success sa takilya ng Ang Tanging Ina.