Naoperahan na sa Asian Hospital & Medical Center si Annabelle Rama ng kanyang myoma at cyst sa isa niyang breast. A few weeks earlier, ang kanyang mister namang si Eddie Gutierrez ang sumailalim ng angioplasty pero ito’y nakapagpagaling na.
Sa three-day executive check-up sa isang kilalang pagamutan sa Bangkok, Thailand na-discover ng mag-asawang Eddie at Annabelle ang estado ng kanilang kalusugan. Nagtungo sa Bangkok ang mag-asawa matapos ang bonggang birthday celebration ni Annabelle na ginanap sa tatlong magkakahiwalay na yate na pag-aari nina dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson at Wowowee host Willie Revillame.
Sa pamamagitan ng column na ito, umaasa kami ng agarang paggaling ni Annabelle, isa sa itinuturing naming totoong kaibigan sa industriya.
* * *
Naiintindihan namin ang Megastar kung bakit naiirita na siyang sagutin ang mga alegasyon na kesyo may problema sila ng kanyang asawang si Sen. Kiko Pangilinan na humantong pa umano sa kanilang paghihiwalay.
Ayon kay Sharon Cuneta, willing siyang magbigay ng malaking reward sa kung sinuman ang makakapagbigay ng pruweba na may anak o mga anak ang kanyang mister sa ibang babae para matigil na ang mga balita na wala naman katotohanan.
Since parehong celebrities at public properties ang mag-asawang Sharon at Kiko, hindi talaga sila ligtas sa anumang mga intriga at paninira sa kanila lalo’t nasa field sila ng showbiz at pulitika.
Siguro para makapagpahinga at makaiwas na rin sa mga intriga, dalawang linggong nawala ang mag-asawa kasama ang kanilang mga anak na sina KC, Frankie at Miel dahil sila’y nagbakasyon engrande.
Samantala, natutuwa sina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon, mga pangunahing bituin ng Iskul Bukol...20 Years After sa pagpayag ni Shawie na magkaroon ng guest role sa nasabing pelikula dahil kasama rin siya noon sa original hit TV sitcom ng dating Channel 13 na Iskul Bukol bilang si Sharon Escalera, ang nakababatang kapatid ng Escalera Brothers na ginagampanan nina Tito at Joey.
Ang Iskul Bukol...20 Years After ay isa sa mga official entries sa darating na Metro Manila Film Festival produced ng OctoArts Films, M-Zet TV Production at APT Entertainment at pinamamahalaan ng box office director na si Tony Y. Reyes.
* * *
Ang TV5 ang kauna-unahang TV network ang nagbigay ng maagang Christmas party para sa entertainment press.
Bongga at talagang pinaghandaan at ginastusan ng management ng No. 3 TV network sa kasalukuyan ang nasabing Christmas party for the press dahil bukod sa maraming expensive raffle prizes, apaw ang pagkain at may mga games at massage at walang umuwing luhaan. Ito’y pasasalamat na rin ng TV5 dahil agad silang pumasok sa No. 3 over-all considering na ilang buwan pa lamang silang nag-launch ng kanilang bagong mga programa.
Karamihan ng mga programa ng TV5 ay tinatampukan ng mga talents na nagmumula ng ABS-CBN dahil wala pang sariling pool of talents ang bagong bihis na TV5. Pinaka-highlight naman ng gabing ’yon ay ang QA ng movie press with the ever-controversial at host ng bagong game show na You & Me Against the World na si Gretchen Barretto na nagpa-raffle ng kanyang suot na Oscar de la Renta na sapatos dahil sa pangangantiyaw ng ating colleague na si Chit Ramos.
Pangalan ni Erwin Santiago ng PEP ang nabunot ni Greta pero ni-let go ni Erwin dahil kahit ang misis niyang si Badette ay hindi kayang isuot ang mamahaling sapatos ni La Greta kaya bumunot ulit ang host ng pangalan at si Ian Fariñas ng People’s Tonight naman ang pinalad.
Ang tanong Salve, gamitin kaya ni Ian ang mamahaling sapatos ni Gretchen? I doubt. Souvenir na lang siguro.
Samantala, kung ginusto ni Gretchen ay noon pa siya nagkaroon ng sariling TV show (of her choice) dahil ang dating ABC 5 ay pag-aari ng kanyang love na si Tonyboy Cojuangco.
Wala mang naging show o pelikula si Gretchen ay never itong nawala sa limelight dahil parati siyang nai-involve sa intriga na mukhang kakambal na niya.