Naramdaman na naman ang kawalan ni Daboy

Ramdam ng lahat ng bisita nung selebrasyon ng kaarawan ni Precy Ejercito ang pagkawala ni Rudy Fernandez. Sa lahat kasi ng okasyon ng pamilya Estrada ay hindi maaaring mawala si Daboy.

Hindi na namin mabibilang ang pagkakataong nandun si Rudy, maaga pa lang ay nandun na sila ni Lorna Tolentino, nakikipagsaya sa mga bisita.

Kapag nasa kainitan na ng party at ang mga lalamunan nila nina Senador Jinggoy Estrada, Senador Bong Revilla at Phillip Salvador ay tinulayan na ng agua de pataranta, aasahan na ang kakulitan ng solidong magkakaibigan, sila ang nagiging buhay ng party.

Nung nakaraang birthday party ni Precy ay pingas na ang grupo, maiintindihan ang pagkawala ni Senador Bong na nasa Sultan Kudarat ayon kay Lani Mercado, pero ang pagkawala ni Daboy ay ikinalulungkot ng lahat na nandun.

Si Precy mismo ay emosyonal, bago pa ginanap ang kanyang party ay naaalala na niya si Daboy, hindi nga naman siya sanay na wala ang kanyang Kuya Rudy sa mga okasyon ng pamilya.

“Nalulungkot ako, sanay na kasi ako na nandiyan lang sila ni Lorna sa lahat ng okasyon ng pamilya namin. Pero sa birthday ko, wala na si Kuya Rudy. Nakakalungkot talaga,” sabi ni Precy.

Sanggang-dikit ang pagkakaibigan nina Senador Jinggoy at Precy at Daboy at Lorna, hanggang nung mga huling sandali ng aktor, nandun sila sa White Plains para sumuporta.

Naaalala pa namin ang matinding hagulgol ni Precy nung tumawag siya sa amin, kamamatay lang nun ni Rudy, habang kausap namin siya ay nasa tabi lang niya si Senador Jinggoy na palihim ding lumuluha.

Bagsak ang emosyon nilang mag-asawa nun, mahirap kausapin si Senador Jinggoy, natatalo ng emosyon ang kanyang pagkalalaki dahil sa pagkamatay ng mahal na mahal nitong kaibigan.

Pag-alala pa ni Precy, “Para kaming mga ewan sa bahay nung mamatay si Kuya Rudy. Paminsan-minsan lang kaming mag-usap ni Jing, parang ayaw naming masyadong mag-usap dahil kapag si Kuya Rudy ang naging topic namin, pareho kaming bibigay.”

* * *

Magulo at masaya ang kapaligiran nung Biyernes ng gabi sa party ni Precy, dalawang banda ang nag-entertain sa kanyang mga bisita, ang Flipside band at ang paborito niyang Side A.

Maraming nakipag-jamming sa banda, parang nagkaroon ng mini concert si Gabby Concepcion, nag-duet pa sila ni Precy, kumanta rin sina Tirso Cruz III, Christopher de Leon, Darius Razon, Karla Estrada at Mayor JV Ejercito.

Napansin namin si Lorna Tolentino, nakikipagsaya rin ito, nakikipagkuwentuhan kina Amy Austria at Sandy Andolong pero alam naming miss na miss nito si Daboy.

‘Yun ang unang okasyon sa pamilya Estrada na wala na itong kasama, kaya kahit magulo ang kanyang paligid ay may lamlam sa mga mata ng aktres, ramdam na ramdam mo ang kulang.

Maagang dumating sina Pangulong Joseph Estrada at dating Senadora Loi, pero maaga rin silang umalis, ayon kay Pangulong Erap ay okasyon daw ‘yun ng mga bagets at hindi ng mga forgets.

Bandang alas-tres ng madaling-araw ay umalis na rin si Senador Jinggoy, may shooting pa ito ng Magkaibigan nung umagang yun, iidlip lang muna ito at pupunta na sa location.

Alas-singko ng madaling-araw na natapos ang okasyon, inabot ng ganung oras din si Gabby, parang masyadong nasabik sa pagkanta ang aktor.

Dumating din si Mommy Rose Flaminiano sa party, pero nung malaman nito na darating si Gabby, maaga itong nagpaalam kay Precy. Marami pa raw itong aasikasuhin kinabukasan kaya hindi ito puwedeng magpuyat, pero ang interpretasyon naman namin, hindi pa handa si Mommy Rose na makita at makasama sa isang lugar lang ang kanyang dating alaga na kademandahan pa nito ngayon.

Sa totoo lang.

Show comments