BF may trauma sa pagkanta

Sa kabila ng pamamaos ng boses ni Gary Valen­ciano sa unang gabi ng kanyang two-night successful concert sa Araneta Coliseum nung nakaraang Biyernes, November 14, matagumpay niyang nairaos ang kanyang Gary V. Live at 25 na dinirek ni Rowell Santiago.

Sa totoo lang, Salve A., ‘yun na yata ang pinaka­hamahabang concert na aming nasaksihan. 

Ang maganda, hindi nabagot ang tao, bagkus ay mas lalo silang nag-enjoy sa kakaibang concert ng tinaguriang Mr. Pure Energy na si Gary V.

Kung nagpaunlak sana ng isang awitin ang misis at manager ni Gary V. na si Angeli Pangilinan-Valenciano, naging family affair sana ang concert dahil nag-perform ang tatlong anak nilang sina Paolo, Gabriel at Kiana at maging ang Puerto Rican mom ni Gary V. ay nagkaroon din ng special participation sa pamamagitan ng dueto nila ng anak niya na Historia de Un Amor na masasabing isa sa pinaka-highlight ng concert ni Gary V.

Nasa audience ang 82-year-old photographer dad ni Gary na siyang kumuha ng mga earlier photos niya, ganoon din ang kapatid niyang si Gina Valenciano-Martinez.

Ang maganda kay Gary V., hindi lamang ma­gandang boses ang kanyang puhunan kundi isa rin siyang dancer at magaling na performer at siyempre, magaling ang konsepto ng kanyang concert.

Congratulations, Gary V.

* * *

Speaking of concert, ngayong tapos na ang magkasunod na successful concerts sa Big Dome nina Sarah Geronimo at Gary Valenciano, inaabangan naman ang Back To Back To Back: All Hits Live! concert ng mga lead vocalists ng Side A, Freestyle at MYMP na sina Joey Generoso, Juris Fernandez at Jinky Vidal sa darating na Disyembre 1 sa ganap na ika-8 ng gabi. 

Ito’y produced ng Viva Concerts and Events na siya ring nag-produce ng very successful concert ni Sarah Geronimo.

* * *

 ­Kamakailan lang ay nagbigay ng blow-out party sa entertainment press si MMDA Chairman at 2nd Season grand winner ng Celebrity Duets na si Bayani ‘BF’ Fernando na may kinalaman sa kanyang pagkakapanalo sa celebrity duets ng GMA-7. Siyempre, dumalo rin sa nasabing party ang kanyang butihing maybahay, ang mayor ng Marikina na si Marides Fernando na very proud sa kanyang mister.

Tulad ng kampanya, aminado si Mayor Marides na talagang nangampanya siya nang husto hindi lamang sa Marikina kundi sa lahat para sa text-votes kay Chairman BF at nag-pay off naman dahil ito ang tinanghal na 2nd grand winner ng CD.

Dalawa ang beneficiary ni Chairman BF, ang Caritas Manila at C.H.I.L.D. Haus sa kanyang panalo pero hindi pa umano siya desidido kung lahat ng kanyang panalo ay kanyang idu-donate sa dalawang charities dahil hindi pa raw niya natatanggap ang kanyang premyo.

Inamin din ni Chairman BF na nung bata pa siya, nagka-trauma siya nang hindi niya maabot ang high notes kaya nagkaroon siya ng phobia sa pagkanta pero unti-unti raw itong nawala nitong nagkaka-edad na siya.

Ang Celebrity Duets experience at exposure ni Chairman BF ay malaki umano ang maitutulong sa kanya patungong Malacañang.

Show comments