Echo hindi pa suko sa pagkanta

Inaamin ni Jose Manalo na nalulong din siya sa drugs noong araw, mga labingsiyam na taon na ang nakakaraan, pero siya mismo ang gumamot sa sarili niya.

“Hindi ako pumasok kahit saang rehab, ako mismo ang nagpasyang gamutin ang sarili ko.

“Lumaki ako sa isang lugar (Tondo) na ganun ang kapaligiran ko pero, kahit nilibang ko na ang sarili ko para makaiwas sa drugs sa pamamagitan ng pagbuo ng sarili kong grupo, hindi rin ako nakaiwas,” pag-amin ng komedyante, stand-up comedian na ngayon ay bida na sa Scaregivers.

“Mahirap isipin na bida na kami, nag-try lang kami, kung kinakailangang balikan namin ang pagiging sidekick, gagawin namin kahit habang buhay,” sabi ni Jose na bago pa natuklasan ang pagiging mapagpatawa sa Eat Bulaga na kung saan ay dati siyang floor director, ay nagda-drama na sa Valiente, isang matagumpay na soap opera nun.

Si Jose rin ang naging susi para mahanap muli at makasama sa grand reunion ng Iskul Bukol si Ritchie D’ Horsie.

“Ipinanawagan ko lamang siya gabi-gabi sa bar, sabi ko ipagbigay alam sa amin ang kinaroroonan niya, ayun may nagsabi nang nasa QC jail siya,” aniya.

Kahit excited at happy sa magandang kapalaran nila ni Wally Bayola sa Scaregivers malakas din ang takot nila sa kahihinatnan ng movie.

“Sana tangkilikin ng manonood dahil ’di lang naman kami ang mapapanood nila. Ang daming malalaking artista na nagbigay ng suporta,” dagdag pa nito.

* * *

Kahit pala binalikan na ni Jericho Rosales ang kanyang pag-aartista sa pamamagitan ng Baler, isang entry ng Viva Films sa MMFF ’08, hindi naman ibig sabihin ay iniiwan na niya ang kanyang pagkanta. Babalansehin daw niya ang career niya sa pag-arte at pagkanta.

* * *

Mukhang interesante na naman ang Luna Mystika. Hintayin na lang natin kung ano ang ratings na nakuha ng pagsisimula nito kagabi. Pero naniniwala ako na marami ang nag-abang dahil talaga namang maganda yung mga ipinapanood na trailer ng serye. Maswerte si Heart Evangelista dahil malalaking produksyon ang nasasamahan niya. At mukhang may chemistry naman sila ni Mark Anthony Fernandez.

* * *

After Magdusa Ka, happy si Prince Stefan na kasama siya sa Luna Mystika. Isa siyang boy next door, mapera at inaakit si Kris Bernal ng kanyang pera. May binabayaran kasi siyang sasakyan na ang nagbigay ng down payment ay ang kanyang mom na nasa New Zealand. Kailangang-kailangan nga naman sa trabaho niya ang sasakyan kung kaya nagsisipag siya para mabayaran ito.

May nililigawang non-showbiz ang binata na nakatira sa isang tiyahin niya na siyang tumitingin sa kanya.

* * *

Kasama si Keempee de Leon sa Iskul Bukol…20 Years After. Anak siya rito ng tatay niya (Joey de Leon, isa sa mga Escalera Brothers). Kasama rin si Gian Sotto, anak naman ni Tito Sotto, isa pa ring Escalera. Si Sharon Cuneta ang ikatlong Escalera, ang pinakabata sa magkakapatid.

“Namana namin ni Gian ang mga characters ng ama namin. Tulad ko, babaero ako rito, tulad ng tatay ko. Kakaiba naman sa mga gay roles na ginagampanan ko,” anang madalas mapagkamalang bakla dahilan sa madalas na pagganap niya ng bakla pero ang gustung-gusto palang magampanan naman ay ang role ng isang kontrabida.

Show comments