LV collections ng tv host/actress second hand

Usong-uso ngayon ang pagbebenta ng mga second hand na Louis Vuitton. Sobrang mahal ang brand na ‘yun kung bibilhin mo ng bago, kayamanan na ‘yun ng isang mahirap, bag lang na naturingan pero daang libo ang halaga ng mga produkto.

Ilang kababayan natin ang nagkaisip na bilhin ang mga hindi pa naman kalumaang LV ng mayaya­man, ‘yung mga walang magawa sa kanilang pera na kabibili pa lang, pero ayaw na agad dahil may bagong uso na namang lumabas.

May isang actress-TV host na namumulaklak sa LV bags, halos lahat na yata ng style at kulay ay nasa kanya na, kaya natural lang na humanga ang kanyang mga kasamahan sa mga kagamitan niya.

Pero hindi niya sinasabing second hand lang ang mga ‘yun, ang press release ng girl ay bumibili siya sa ibang bansa kapag bumibiyahe siya, iba raw kasi ang bago dahil mabangong-mabango.

Sabi ng isang source, “Pero kapag tinatanong naman siya, hindi niya masabi kung magkano exactly ang presyo nung bag niya. Di ba, kung totoong bago yun, alam niya kung magkano niyang binili, alam niya dapat ang presyo,” komento ng impormante.

Heto na. Biglang nakapasok sa “mundo” ng actress-TV host ang nagbebenta ng mga LV bags, natural lang na sa kanyang sales talk, nabanggit ng nagbebenta ang pangalan ng personalidad na palaging bumibili sa kanya.

Sabi ng nagbebenta, “Napakarami nang nabili sa akin ni____(pangalan ng actress-TV host), nag-iipon kasi siya, kinukumpleto niya ang lahat ng style.

“Siya palagi ang unang customer ko basta may mga bago akong stocks, kahit hatinggabi o madaling-araw, nagpupunta siya sa house ko para bumili.

“Ayaw niyang magpauna sa iba, kailangang siya muna ang makakita ng mga products bago ko pa ialok sa iba. Kumpleto na nga yata siya, e, ang wala na lang siya, yung mga bago talaga na wala pang nagbe­benta sa akin dahil bago pa nga,” sabi ng nagbebenta ng LV bags.

May isang aktres na maldita, nung makita nito ang actress-TV host na maraming bag na mamahalin, “Kilala mo pala si ____(pangalan ng nagbebenta ng mga lumang bags)? Nakilala na rin namin siya,” sabi nito.

Sabi naman ng actress-TV host, “Ah, oo naman! Sa kanya ko ibinebenta ang mga LV bags ko na pinagsasawaan ko na. Dun na lang kayo bumili sa kanya, murang-mura lang!”

Isa lang ang nasabi ng malditang aktres, “Napaka-plastic talaga ng babaeng ‘yun, brand new raw ang mga bags niya, yun pala, second hand lang naman!”

Very visible ang actress-TV host na ito, halos araw-araw siyang napapanood sa TV, maiintindihan naman ang pagiging sabik niya sa mga mamahaling kagamitan dahil ngayon pa lang siya kumikita ng maganda.

* * *

Kawalan ng boses ang puwedeng maging dahilan ng pag-absent ni Edu Manzano sa Pilipinas, Game KNB? at Umagang Kayganda. Kayang-kaya niya ang pagod, hindi niya pinoproblema ang maghapong pagtatrabaho, dahil pagkatapos ng kanyang hosting ay nasa opisina naman siya bilang chairman ng OMB.

Pero kapag sunod-sunod na ang taping niya para sa Game KNB? ay sumusuko ang kanyang lalamunan, tao nga lang naman siya na may limitasyon ang kakayahan, kapag walang-wala na talaga siyang boses ay dun pa lang siya nagpapasabi sa kanyang staff na hindi niya kakayaning mag-host.

Maraming ipinagdadamot kay Edu ang pagiging host ng pang-umagang show ng ABS-CBN, wala na siyang nightlife, pinagbibigyan niya pa rin naman ang kanyang mga kaibigan para sa dinner pero pagdating nang alas diyes ay nag-papaalam na siya.

“Wala na, inagaw na sa akin ng UKG ang paglabas sa gabi, hindi ko na puwedeng gawin yun dahil alas kuwatro pa lang, I should be up and awake na, prepare for work, dahil napakaaga kong kailangang nasa set para mabasa muna ang mga spiels ko,” paliwanag ng professional actor-TV host.

Show comments