Araneta napuno na naman ni Sarah

Hindi natuloy si Regine Velasquez na kumanta ng theme song ng One True Love na The Last Time I Felt Like This dahil may bago itong album na ire-release. Magdu-duet sana sila ni Ariel Rivera sa pagkanta ng theme song, pero dahil hindi pumuwede si Songbird, si Joanna Ampil ang ipinalit sa kanya. Si Joanna ang ka-alternate ni Karylle sa West Side Story at kundi kami nagkakamali, lumabas din sa Miss Saigon.

Noong Sabado lang nag-recording sina Ariel at Joanna at tamang-tama dahil ngayon lang ipalalabas ang full trailer ng movie sa mga sinehan.

Showing na sa November 19, ang pelikula at Nov. 18, ang premiere night sa SM Megamall. Ito ang pelikulang sasagot sa tanong kung sa buhay ng isang tao ay minsan lang ba dumating ang tunay na pag-ibig? 

* * *

Ngayong Lunes naka-schedule ang story conference ng movie nina KC Concepcion at Richard Gutierrez sa GMA Films na may working title na Save the Best for Last. Sa storycon makukumpirma kung matutuloy makasama si Ryan Agoncillo sa cast.

Si direk Joey Reyes mismo ang nag-suggest na isama sa cast si Ryan at nang makausap namin ang TV host-actor, excited at sana raw matuloy. Hindi raw siya mamimili ng role at si direk Joey na ang bahala roon at alam na hindi siya pababayaan.

Kung walang bulilyaso, sa November 17, ang first day shooting ng pelikula na Valentine’s Day presentation ng GMA Films at Regal Entertainment.

* * *

Punung-puno na naman ang Araneta Coliseum sa third major concert ni Sarah Geronimo billed The Next One. Isa siya sa mga iilang local artists na nakakapuno ng Big Dome na pati gallery section ay napuno ng tao. Sold out ang Patron VIP, Patron, Lower Box at General Admission. Ang Upper Box A ay standing pa at Upper Box tickets na lang ang nabili ng walk-in audience sa gabi mismo ng concert.

Pinaghandaan ni Sarah ang concert dahil todo ang performance nito sa sayaw at pagkanta. Hindi lang yata siya napagod sa rami nang kinanta with matching sayaw at kasama sa kan­yang repertoire ang theme song ng Baler na Ngayon, Bukas at Kailan­man na ang lyrics ay sinulat ni Edith Gallardo at music ni Louie Ocampo.

Kung pagtatambalin ng ABS-CBN at Viva Films sina Sarah at Rayver Cruz, mukhang papatok sa lakas ng sigawan ng fans. Pero, siyempre, walang tatalo sa lakas ng sigawan nang lumabas si John Lloyd Cruz na successful sa pagnakaw sa halik sa pisngi kay Sarah. Hinihintay na ang follow-up movie nila sa box-office hit na A Very Special Love.

* * *

Sabi ni direk Maryo J. delos Reyes, 16 weeks tatakbo ang Saan Darating Ang Umaga na magsi­simula ngayong Monday. Ang daming eksenang nadagdag at may mga bagong characters na wala sa pelikula.

Kinumpirma ni direk Maryo na pinagpilian sina Heart Evangelista at Yasmien Kurdi sa role ni Shayne, pero napunta sa huli ang role dahil dumating ang Luna Mystica kay Heart. Nadirek na niya si Yasmien sa movie na Happily Ever After, kaya gamay na niya ito.

Pinahaba rin ang role ni Dion Ignacio na leading man ni Yasmien at tiyak na aabangan ang eksena niyang tumatakbo na plaster, underwear at gitara lang ang nakatakip sa kanyang harapan. May kissing scene sina Dion at Yasmien at tiyak si direk Maryo na hindi siya magkaka-problema’t pareho raw professional ang dalawa. (Nitz Miralles)

Show comments