Dingdong inilakad si Karylle kay Pacman
Huli na ang sinabi ni Dingdong Dantes na “sana, hindi lumipat si Karylle dahil big asset siya ng GMA 7,” dahil tuloy na ang paglipat ng kanyang ex-girlfriend sa ABS-CBN. Naglabas na ng official statement ang management nitong Stages Talent Group na tatapusin lang ng singer-actress ang mga commitments sa Kapuso network at lilipat na nga.
Ang Stages sa pamumuno ni Carlo Orosa ang nag-initiate na ilipat si Karylle dahil malaki at marami pa itong talents na hindi na-i-explore. May blessings naman daw ni Wilma Galvante, GMA 7 SVP for Entertainment at Darling de Jesus, AVP for Magazine/Musical/Variety ang paglipat ni Karylle at bukas pa rin ang pintuan ng Channel 7 kung gugustuhin nitong bumalik.
Ang mga commitments ni Karylle na binanggit ay ang SOP, Kakasa Ka Ba Sa Grade 5? at ang pagkanta ng Philippine National Anthem sa boxing match nina Manny Pacquiao at Oscar dela Hoya sa December 6 sa Las Vegas.
Musical variety shows at soap operas naman ang naka-line-up na gagawin niya sa ABS-CBN and for sure, kasama rito ang ASAP ’08 at kung saan, magkakasama na sila ng ina niyang si Zsa Zsa Padilla.
Ang kinukumpirma namin ay kung totoong per project ang pinirmahan o pipirmahang kontrata ni Karylle sa ABS-CBN, kaya puwede siyang bumalik sa Siete. Tsaka totoo rin kayang isa si Dingdong sa mga nasa likod kung bakit si Karylle ang napiling kumanta ng National Anthem sa laban nina Pacquiao at dela Hoya? (Nitz Miralles)
- Latest