Style ng MMFF 'Di Dapat Maulit

Ang pelikulang Magkaibigan ay tribute movie ng award-winning actor-politician na si Sen. Jinggoy Estrada sa kanyang yumaong best friend na si Rudy Fernandez. 

May sakit na noon si Daboy (Rudy) nang magpaalam ang batang senador sa kanyang kaibigan na gagawa umano siya ng pelikula na inspired ng kanilang pagkakaibigan. Nang sumakabilang-buhay ang mister ni Lorna Tolentino, agad kinausap ni Jinggoy ang award-winning writer-director na si Joey Javier Reyes na gumawa ng istorya na may kinalaman sa tunay na pagkakaibigan. 

Hindi ikinakaila ni Jinggoy na malaking kawalan sa kanya ang maagang pagpanaw ni Daboy na noong nabubuhay pa ay araw-araw niyang kausap.

Hindi rin makakalimutan ni Jinggoy nang noong sila’y makulong ng kanyang ama, ang dating Pangulong Joseph Estrada, hindi pumalya si Daboy sa kanyang pagdalaw araw-araw sa kanilang kulungan at dito niya lalong nakita kung paano maging isang tunay na kaibigan ang yumaong aktor.

Matapos mabasa ni Jinggoy ang script, agad nilang binuo ni direk Joey ang cast. Bukod kay Jinggoy, kasama rin sa Magkaibigan sina Christopher de Leon, Dawn Zulueta, Maricel Laxa at may special participation sina Tirso Cruz III at Bobby Andrews.

Ayon kay Jinggoy, isang malaking karangalan ang makatrabaho si Boyet sa pelikula ganundin sina Dawn at Maricel na parehong first time niyang nakatrabaho.

Ang Magkaibigan ay produced ng Maverick Films at isa sa mga official entries ng papalapit na MMFF.

* * *

Speaking of MMFF, sana’y huwag nang ulitin ng executive committee ang ginawa nila nung isang taon sa gabi ng parangal kung saan nawalan ng essence ang parangal dahil mas binigyan nila ng timbang ang concert ni Lani Misalucha kesa sa awards night. 

Bakit kaya hindi maibalik ng committee ang dating ginagawa nilang parangal na isang dinner show na madalas na ginaganap sa Reception Hall ng PICC? Kung nagtitipid naman sila, bakit hindi na lamang gawing theater-type ang gabi ng parangal pero lagyan naman nila ng production value?

Ang katwiran umano ng komite, gusto nilang makalikom ng pondo kaya naka-back-to-back ang concert at awards night na hindi naman nagtagumpay nung isang taon.

Ang gabi ng parangal ay isang napakahalagang okasyon para lamang balewalain ng mga namumuno ng MMFF.

* * *

Gustong ipaalam ng masipag na misis ni Julius Babao na si Tintin Bersola-Babao na magkakaroon ng Grand Christmas Charity and Celebrity Bazaar sa darating na November 21-23 mula 10 a.m. hanggang 11 a.m. ng gabi na gaganapin sa World Trade Center sa may Roxas Boulevard. Magkakaroon ng iba’t ibang activities sa bawat araw: November 21 (Friday), 4 p.m., ay magkakaroon ng Parenting and Money Talk ng Axa Philippines. Pagdating naman ng 5 p.m. ay launching ng My Christmas Story Children’s Book. Kinabukasan, November 22 (Saturday), 2 p.m. ay may health forum with Dr. Gary Sy at Go Negosyo Forum at 5 p.m. Sa ikatlong araw, November 23 (Sunday), 2 p.m., may Health, Naturapathy & Cancer Talk si Dr. Tam Mateo.

Marami pang ibang highlights ang three-day event tulad ng magic show, concert at raffle pero ang entrance ticket ay P50 lamang at ang kikitain ng Grand Christmas Charity and Celebrity Bazaar ay mapupunta sa Bantay Bata, ang charity arm ng DZMM.

* * *

a_amoyo@pimsi.net

Show comments