Sana magkabalikan sina Dingdong Dantes at Karylle matapos nilang aminin na wala na sila. Matagal din nilang napanatili ang kanilang relasyon kahit pa nagpakahirap-hirap silang dalawa dahil may loveteam na pinangangalagaan si Dingdong, ‘yung sa kanila ni Marian Rivera na hindi ko naman maintindihan kung bakit kailangang maisakripisyo ang relasyong Dingdong/Karylle eh open na ang relasyon nilang dalawa bago pa ang Dingdong/Marian. Si Karylle naman, never na nagdadaldal tungkol sa kanila ng boyfriend niya for the sake of the loveteam nga. Kahit pa nung kasagsagan ang pang-iintriga sa kanya, nanatili itong quiet. Tapos ngayon mababalitaan mong wala na sila ni Karylle.
In fairness, ilang ulit nang nagsalita si Marian na wala silang relasyon ni Dingdong. At okay naman sila ni Karylle. Pero, totoo ba na minsan ay nakita itong umiiyak habang kausap si Karylle? Hindi naman si Karylle ang tipong nananaray.
* * *
I’m sure malaking pressure kay Lani Mercado na mabigyan ng role na dati nang ginampanan ni Nida Blanca. Ito ay bilang asawa ni Joel Torre sa sisimulang serye ng Siete, ang Saan Darating ang Umaga.
Pero knowing Lani, alam kong makakaya niya ito. Matagal na rin naman siyang artista at marami na rin siyang nagampanang mabibigat na role. Ang maging Lorie sa bagong drama ay hindi na niya gaanong paghihirapan pa.
* * *
Aakalain mo bang kakagatin ng manonood yung mga shows na ang host ay sina Paolo Contis (World Records), Chris Tiu (Ripley’s Believe It Or Not ) at Ariel & Maverick (Masquerade).
Mas madali ngang itawid yung shows nina Paolo at Chris dahil hindi ito first time mapanood sa TV pero yung kina Ariel at Maverick, mas challenging dahil mas marami na nagsisilbing link na may corny na portions pero habang tumatagal, nakakatawa na. Okay yung naglagay ng kausap ang dalawa na kahit off screen ay nagsisilbing link ng dalawa sa kanilang manonood.
* * *
Happy din ako na dumarami ang assignments ni Jackielou Blanco. For a time kasi ay parang nakuntento na itong maging mommy. Buti naman at bago pa siya tumanda ay binalikan niya ang pag-aartista niya. Masuwerte siya dahil nakakatawid siya ng Siete at Dos. Isang magaling na character actress si Jackielou, bukod pa sa nagtataglay ng isang magandang singing voice. Dapat huwag niya itong sayangin. Di ba, Pilits?
* * *
Si Mariz din, matapos mag-guest host sa Walang Tulugan, ayun at nakukuha sa mga drama ng GMA. Ngayon, may commercial pa siya, sila ni Ronnie Ricketts.
Nalungkot ako nun dahil akala ko magma-migrate na silang mag-anak sa US. Nanghihinayang ako dahil bukod sa magaling na aktor, magaling ding direktor si Ronnie.
Si Mariz naman, puwede pang mag-artista. Marami pa silang maiaambag sa local showbiz. Ice breaker lang pala ang kailangan. I hope magtuluy-tuloy na ang mga projects nila, para hindi na sila umalis pa.
* * *
Tulungan nating magdasal ang pamilya nila Ruffa Gutierrez dahil katatapos lang sumailalim sa angioplasty ang kanilang amang si Eddie Gutierrez.